Friday, October 21, 2011

ANG ALAMAT NG TIMBA: DAIG PA ANG MAINIT NA KAPE



There are places I remember

All my life…

Though some have changed…

(naaalala nyo pa ba ang kantang iyan?)


Kapag bakasyon, marami raw ang hilig umuwi sa probinsya para makalaya kahit papano sa usok ng mga sasakyan.


Presko, maaliwalas, tahimik, at higit sa lahat… malamig ang simoy ng utot.


Idagdag mo pa diyan na para kang artista tuwing darating ka sa probinsya nyo, sikat ka kasi taga-maynila ka. Kulang na lang ay salubungin ka sa iyong pagdating ng isang buong banda sa saliw ng tugtuging hindi kita malilimutan.


Noon ‘yon, pero ngayon para ka na ring normal na tao, hindi tulad noon na para kang may sapi araw-araw.


Mainit na kape agad ang sasalubong sa’yo. Sing-init ng pagtanggap sa’yo ng mga taong hindi mo naman kaano-ano.


Matagal na rin akong hindi nakakauwi sa probinsiya kaya masaya ako nang minsang magkaroon kami ng out-of-town seminar sa pinapasukan ko kahit madalas naman akong absent.


Sa wakas! nakaranas ulit ng malamig na lugar. Hindi ko na kailangang inguso ang mukha ko sa refrigerator.


Maganda ang lugar at masarap ang pagkain. Lahat ng inihahandang pagkain samin ay organic daw. Masarap pala ang mga organic foods kahit di ko gaanong naiintindihan kung ano bang ibig sabihin nun. Ang sarap ng brown rice, mas masarap pa kesa sa champoradong maligamgam.


Lahat daw ng nakikita naming nakatanim ay puwedeng kainin. Ang juice na inihanda ay gawa lang sa mga pinitas at pinagpigaan ng kung anu-anung klaseng dahon.


Naaalala ko tuloy nung kabataan ko, madalas kami sa sementeryo para mangolekta ng mga nahuhulog na alatires. Masarap ‘tong gawing shakes o ice candy. Pero dahil bading ka, puwede mo rin namang deretso isubo.


Kung gusto mo ng kape, pumitas ka lang at dikdikin mo gamit ang pangkayod ng kalabaw, solve ka na. Kahit malamig masarap na rin.


Talagang napasobra yata ang lamig dito, ultimo tubig na galing sa gripo ay yelo na agad pagsahod pa lang sa baso-basohan o sa timbang gawa sa pinaglumaang yero.


Buti na lang may kuryente at puwede mong gamitin ang heater kung ikaw ay maliligo. Mga isang oras lang naman ang hihintayin mo para makapag-painit ng isang timbang tubig. Dalawang oras naman kung gusto mong malapnos ang balat mo. Talagang pahirapan magpainit ng tubig.


At dahil sa tatlong piraso lang ang kunya-kunyariang heater ay agawan kami sa paggamit para unang makaligo sa umaga.


Dahil nahuli ako sa gising kaya kailangan kong maghintay makaranas lang ng kahit konting maligamgam na tubig. Wala ring extrang timba para sa mga may morning sickness. Naku, meron pa naman ako nito.


Eto na naman tayo. Humanap ako ng paraan, may nakita akong kutsarita pero mukhang hindi uubra panghugas, mukhang pangsalo lang ang gamit nito. Ang isang basong tubig rin ay mukhang kukulangin. Wala kasing gripo sa loob. Nagbaka-sakali akong pumunta sa banyo para humanap ng puwedeng alternatibo.


Ayos! Ang buwenas naman talaga oh! Sinong mag-aakala na meron kang makikitang isang timbang may laman nang tubig, di mo na kailangang mag-igib. Walang kahirap-hirap, hindi ko na inisip kung meron bang may-ari o wala. Basta ginamit ko na lang.


Panahon na para makaraos sa morning sickness. Haay… ang sarap ng pakiramdam, para akong bagong panganak sa luwag ng pakiramdam, tingin ko ay nailabas ko na ang para sa buong buwan.


Dali-dali kong ginamit ang tubig dahil baka meron pang makakita at umangkin.


Aaahhhhh………

Ouchhhhh……..

Waaahhhhh………

Oh my….. ang I…..NIT!!!


Halos matanggal ang tutuli ng lahat ng makarinig sa hiyaw.


Nanguluntoy at halos malapnos ang bawat balat ng kalikasan. Nagdilim ang langit at halos mahati ang lupa-lupang gubat ng paraiso.


Woooh… woooh… woooh…


May mga bagay na hindi natin pag-aari ngunit pilit nating inaangkin sa iba na tunay na nagmamay-ari. Minsan nagiging makasarili tayo para sa ating pansariling kapakanan. Hindi man natin ito ginusto, ito ay dala lang upang mailabas natin ang ating tunay na nararamdaman.


Minsan hindi na natin naiisip na merong iba na nawalan dahil sa ating kagagawan. Maaaring magdulot ito ng panandaliang kaligayahan ngunit sa banding huli ay tayo rin ang tunay na masasaktan.


Hindi ka kayang mahalin ng isang timbang tubig na inagaw mo lang sa iba. ‘Kasing init man ‘yan ng kape, lahat ng tubig ay lumalamig din.

0 comments:

Post a Comment