Intelligence can bring you to success
But it’s your attitude that will keep you there
Remember, grade doesn’t define a person, Attitude does!
– anonymous-
Grade doesn’t define a person? Talaga? E bakit pa tayo nag-aaral? Para saan pa ang honor ni kirat nung kindergarten. Para saan pa't naging cumlaude si loleng? Anong silbi ng best in p.e. ni boy talsik, kawawa naman ang mga magaling mag-basketball, dun na nga lang sila nakakapanghatak ng grades.
Naaalaa ko tuloy si temi, repapips siya ni chocho mula elementary hanggang high school, pati sa pagpapatuli sabay sila. Siya ang pinakamagaling sa batch, at si chocho naman ang kanyang dakilang back-up, kumbaga sa pelikula sidekick.
Simula pagkabata, hinihikayat tayo na makakuha ng mataas na grades, meron pa tayong premyong tau-tauhan o isang latang kendi tuwing nakakakuha tayo ng tatlong stars. Manikang papel naman ang para sa babae. Kung medyo binabae ka naman, tama na ang dalhin ka sa jolibee para sa eat-all-you can promo na jolly hotdog.
Isang magandang ehemplo raw ang mga batang matatalino. Ibibida ka pa ng nanay mo sa lahat ng kanto, habang ang tatay mo naman ay madadalas ang pag-inom dahil meron na uling bagong kuwento. Kumbaga, sikat ka dahil adik ka sa pag-aaral.
Kapag birthday mo, marami kang regalo sa mga tito at tita mo, sana naman hindi ka lumaki sa layaw. Pero mas maganda kapag pasko, masaya na naman ang magpipinsan, mas malaki kasi ang bigayan, pero depende sa grades mo, kumbaga point system palagi.
Pati sa school special treatment palagi. Mataas ang tingin sayo kahit pandak ka. Meron kang sariling ihian na arinola sa classroom, may alalay ka pang taga-tapon tuwing uwian. Puwede ka ring pumili ng upuan sa classroom at kung sino ang gusto mong katabi, kumbaga special privilege card. Pagdating sa recess, ikaw pa ang unang pipili ng kakanin at durog na lang ang matitira sa iba. Kapag may program isa ka pa rin sa bida sa mga stage play, di ko pa naranasan ito, lagi na lang lamesa ang role ko o isang puno sa gilid na bawal gumalaw.
Iba talaga ang treatment kapag matalino o section one ka. Pati sa pag-assign ng teacher, sa inyo palagi ang mga veterans samantalang puro baguhan ang dinadala sa mga mababang section. Ganunpaman, wala ka pa ring kawala sa mga binebentang marsh mallows o sundot-kulangot ng mga teachers.
Nadala natin hanggang high school ang pag-iisip na dapat ay palaging mataas ang grades dahil ito ang expectation sa atin ng lahat ng nakapaligid sa atin ultimo si manong na nagtitinda ng gulaman ay tatanungin ka kung mataas ba ang grades mo bago ka pagbentahan.
Pagdating sa college, dehado ka agad kung hindi mataas ang grades mo nung high school, hindi ka puwedeng makapili ng kursong gusto mo. Kumbaga hinusgahan ka na agad na tipong wala kang mararating. Kung medyo madali kang maniwala, iisipin mo na mahina ka talagang estudyante at hindi mo makakayang abutin ang level ng pag-iisip ng mga taong matataas ang grades.
Dadalhin mo ang pasakit na ito sa apat na taong pag-aaral mo sa kolehiyo, lalong bababa ang self-esteem mo at iisipin mo na hanggang diyan ka na lang talaga. Tatamarin ka na ring mag-aral dahil wala namang nakakakita ng mga magandang bagay na nagagawa mo. Iisipin mo, pamparami ka lang sa mundo, ikaw yung others. Aasa ka na lang sa iba para maka-graduate at bahala na si batman pagkatapos.
Importante nga ba ang mataas na grades? Importante nga ba ang maging matalino ? may magagawa nga ba ang pagiging cum laude ? ito nga ba ang magtatakda ng ating kapalaran sa hinaharap?
Maaaring ito ang magdadala sa atin sa ating mga pangarap pero maaaring ito rin ang magdala sa atin paibaba kapag tayo ay nakalimot.
Maganda para sa sarili mo tuwing makakakuha ka ng mataas na grades. Dahil ito ang magtutulak sa iyo para patuloy na maniwala na kayang mong gawin ang lahat ng bagay. Patuloy kang mangangarap para i-establish ang sarili mo bilang isang importanteng tao dito sa mundo. Pero sana huwag kang makalimot na ikaw ay nanggaling sa ibaba. Huwag sana dumating ang panahon na iisipin mo na ikaw lang ang magaling at ikaw lang ang laging tama. At kung gusto mong patuloy na umakyat sa 4th floor, siguraduhin mong wala kang ibababa sa 1st floor.
Kung honorable ka nung high school, hindi ibig sabihin na ikaw ang magiging pinakamayaman sa klase nyo. At kung palagi kang last section, hindi ibig sabihin na magiging taga-vulcanize ka na lang sa kanto.
Kung cumlaude ka, hindi ibig sabihin na ikaw ang may makukuhang pinakamagandang trabaho. At kung ilang beses ka namang bumagsak sa klase bago naka-graduate, hindi yan pamantyan para ikaw ay maging encoder habang buhay.
Sa panahon ngayon abilidad, tiyaga at pang-unawa sa mga bagay-bagay ang mas importante. Pero hindi mo ito magagawa kung wala kang tiwala sa sarili mo, ito ang una mong gawin, ang magtiwala sa sarili na kaya mo rin ang nagagawa ng iba. Dito papasok ang iyong pag-uugali kung pano mo titignan ang mga bagay-bagay na natutunan mo.
Maaaring may mga likas na matalino, pero kaya mo itong higitan kung ikaw ay marunong sa buhay.
Maaaring sila ay tunay na masipag, pero kaya mo itong higitan kung ikaw ay mas matiyaga.
Maaaring sila ay madaling makaintindi, pero kaya mo itong higitan kung ikaw ay mas nakakaunawa.
Hindi ako matalino at lalong hindi ako masipag. Hindi rin ako fast learner. Pero dahil sa abilidad, tiyaga at pang-unawa sa buhay, naniniwala akong mararating rin natin ang tagumpay. At kung marating natin iyon tiwala ako na hindi na tayo bababa dahil nagamit na natin ang ating mga pagkukulang at pagkakamali para matutong umakyat ng hagdan.
Recognition is given not to honor the best
But to challenge others to work harder
And be the best they can be
-ompong dilat-
Sunday, June 6, 2010
ANG ALAMAT NG HAGDAN: PAANO NGA BA UMAKYAT SA ITAAS?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment