Hearts. Diamonds. Spades. Flowers at kung ano-ano pa. Samut-saring hugis na hindi lamang sa baraha makikita. Sabi nila recess at lunch daw ang pinakapaboritong subject ng mga bata. Dahil sa wala naman akong hilig kumain kaya uwian ang paborito ko lalo na kapag andiyan na si manong bunot.
Laging blockbuster si manong sa mga batang mahilig sa kahayupan, kadalasan itik o sisiw. Babae, lalaki, kahit binabae dumadaan lahat sa ganitong bisyo, Palabunutan na naman, piso katumbas ng isang walang kuwentang pirasong papel. Kung ibinili mo na lang ng ice cramble, nabusog ka pa sana pero dahil mahilig ka sa sugal, susubok ka na maka-jackpot ng hayop na tatlong araw lang ang buhay.
Marami-rami na rin akong nagastos sa bisyong ito, pero marami na rin akong nabunot, sapat na para makapagpatayo ka ng itikan sa likod-bahay niyo. Sino nga ba ang hindi mahuhumaling sa tuka ng isang sisiw o sa matambok na puwet ng itik.
Handa ka na bang huwag kumain ng recess basta may pambunot ka lang? madaming bata na ang napagalitan dahil sa pagdadala ng mga kung anu-anung hayop sa bahay. ‘yung iba naman ay dahil sa daming nawaldas na pisong bilog.
Iba-ibang klase raw ang teknik para makabunot ka ng hayop na gusto mo. Puwedeng pitik-pitikin sabay taas ng papel para maaninag sa sikat ng araw. ‘yung iba naman ay isusubo ang daliri sabay punas sa papel para mas malakas ang tiyansa, kadayaan ang tawag dito na madalas ay nakakalusot.
Mahuhuli ka lamang kung para kang tigang na tigang na sobra kung makalaway sa papel. Basta ginamitan ng pandaraya ay malakas ang tiyansang tama ang hula mo sa hugis ‘pag nilubog mo na sa mahiwagang tubig ni manong. Pero dehado ka rin sa ganitong lagay dahil napag-aralan na rin ni manong bunot ang ibat-ibang klase ng pandaraya. Magtatalo pa kayo kung sino nga ba ang tunay na pinokyo.
Nagmasid ako at naghanap ng makabagong paraan ng pandaraya sa buhay, dapat may innovation ulit. Bumili ako ng limang walang kuwentang papel kay manong bunot, ginamit ko ang dalawa at itinago ko ang tatlo sabay uwi. Pagdating sa bahay kumuha ako ng isang tabong tubig sabay lublob ng tatlong walang kuwentang papel na alam kong bukas ay meron na ring silbi, nakangisi ako habang ginagawa ito, ngiting demonyo.
Kinabukasan hinintay ko munang dumugin ang palabunutan para hindi gaanong halata, dapat planado ang lahat na parang sindikato. Hindi puwedeng magkahulihan, mahirap na. Checkpoint muna sa lahat ng sulok kung merong nakatutok na cctv camera. Wala naman. Okay, go!
Nilublob ko ang isa sa pinatuyong papel. Diamonds! Tama! Ang galing ko, instant itik! Balik muna sa likod para di halata. Style! Ilang minuto lang, lublob ulit ng ikalawang papel. Diamonds! Tama! Astig! Instant sisiw! Nilublob ko ang huling papel. Diamonds ulit! Wow! The best! it’s bad to be good talaga!
Nawili ako sa pandaraya. Inulit-ulit ko halos araw-araw. Weekends lang ang pahinga. Ganun nga ba ang pakiramdam kapag nakukuha mo ang gusto mo sa madaling paraan at hindi pinaghirapang lawayan.
Nakaramdam rin ako ng awa kay manong bunot pero mas nanaig ang kagustuhan ko para sa sariling kasiyahan dala ng mga hayop kong bitbit. Nakarami rin ako kung tutuusin, puno na ang likod-bahay, kulang na lang ay maglagay ako ng branch ng poultry sa may bubungan o sa loob ng banyo.
Pasensiya na lang dahil wala akong sariling konsensya. Bumalik ulit ako para muling mandaya. Lubog agad. Hearts! Ayy… huli na nang malaman ko na nagbago na pala si manong bunot ng board. Numbers na pala ang gamit. Paktay! Hindi itik kundi kaltok ang natanggap ko, buti walang dalang itak si manong bunot.
Walang sikretong hindi nabubunyag lalo na kung abusado ka na sa mga ginagawa mo. Lahat ng sobra ay masama. Maraming manloloko sa mundong ibabaw, ‘yung iba kasi patay na.
Puwede namang ibang shapes pero puro diamonds ang nakuha ko sa papel, nasilaw kasi ako para sa aking personal na pangangailangan. Mahirap palang puro hayop ang kasama dahil puwede kang mahawa ng kahayupan.
Kaya pala nahuli ako ni manong pagdating sa hearts, wala kasi akong puso kung mandaya kay manong bunot na nagtratrabaho ng marangal. Nagpapakahirap siyang lagyan ng ibat-ibang kulay ang kanyang dalang mga sisiw para hindi kami ma-boring sa iisang kulay araw-araw. Exciting palagi. Wala siyang late at absent sa aming paaralan mapasaya lang ang mga batang naghihintay sa kanya.
Wala na si manong bunot sa aming paaralan, lumipat na siya ng lugar. Hindi ko lang alam kung magpapabunot pa ulit siya, baka hindi na. Paano na ang mga batang naghihintay sa’yo sa aming paaralan, makikita ka pa ba ulit nila? Baka hindi na.
Babalik ka pa ba?
Minsan may mga bagay o tao na nawala sa atin dala ng ating mga kamalian sa buhay. Kailangang mangyari ito para malaman natin ang ating mga pagkukulang. Parte ito ng ating buhay, ang importante ay gamitin natin ang mga pangyayaring ito para isabuhay kung ano lamang ang tama. Hindi ka na rin basta-basta maloloko dahil mas naging wais ka dala ng mga pangyayari sa iyong buhay. Matatag ka na at kaya mo nang tumayo sa iyong sariling mga paa.
People just come and go, don’t let yourself get stuck out to a certain person who is no longer part of your future, what’s important is that you have learned how to value everything in your life because of this person who will always be a part of your history. –ompong dilat-
0 comments:
Post a Comment