Kung palakihan lang ay tiyak na lalampasuhin ng Pinas ang bansang napuntahan ko. Dito ay may land area na 710.2 km2 na halos kasing laki lang ng Metro Manila na mayroong 638.55 km2. Metro Manila pa lang ‘yan.
Maaaring mas malaki ng kaunti ang lupa dito kaysa Metro Manila pero pagdating sa dami ng kumpanya ay higit namang mas marami sa buong Metro Manila na uso ang kanya-kanyang raket.
Andiyan ang pautang at walang kamatayang patubo ni aling pasing, ang tindang marsh mallows ni ma’am na may kasama pang plus ten at ang mamahaling ticket ng mga enforcer sa kalye.
Pati bahagi ng katawan ng tao ay binebenta tulad ng atay, bato, mata, kuko, kulot na buhok, isama mo na pati kaluluwa na nabibili sa parke.
Pero walang tatalo sa mga nakamamatay na pirma nila barangay kupitan, tongsehal, vices-mayor, alkal de kupit, tonggressman, governor jueteng, sinator, vices-persistent, presindent, at ang mga kabit secretary na taga-ingat bulsa.
Sabi nga nila kung gusto mo raw ng instant business ay pumasok ka sa bisyong-publiko. Laway lang ang puhunan, panalo ka na.
Siyempre kailangan mo ring magturok ng konting pampamanhid para di mo maramdaman ang lahat ng ginagawa mo. Bumili ka na rin ng shades o tapaoo ng kabayo, huwag mong tatanggalin para maging bulag ka na sa katotohanan.
The gross domestic product (GDP) or gross domestic income (GDI) is a measure of a country's overall economic output. It is the market value of all final goods and services made within the borders of a country in a year. It is often positively correlated with the standard of living, alternative measures to GDP for that purpose.
Taong 2009, ang GDP ng Pinas ay 161,196 billion fans. Aba, malaki ito ha, bilyones!
Ang bansang napuntahan ko naman ay merong 182,231 billion fans. Nyek! Mas malaki ang Pinas pero bakit mas maraming fans dito.
Dito sa ibang bansa hindi ka basta-basta makakapasok sa trabaho, may mga process pero mabilis pa rin naman, hindi uso ang walang katapusang hearing-hearing o temporary restraining order. Desisyon agad.
Kapag natanggap ka sa trabaho ay puwede ka nang ngumiti pero bawal ka pang magpakalasing para mag-celebrate. Step one pa lang kasi yun.
Meron ditong tinatawag na MOM, as in Ministry of Manpower. Huwag kang mag-alala hindi sila mga pastor.
MOM is a ministry that directs the formulation and implementation of policies related to manpower.
A Great Workforce/A Great Workplace are presented as a pairing, because MOM sees the workplace as the container for human capital. Human capital realizes its potential and creates value not in a vacuum but most often in organizational settings.
The setting plays a critical part in determining whether individual talent is developed or remains latent and untapped.
MOM claims its vision embodies the aspirations of lifelong learning and the need to adapt, learn and re-learn skills, attitudes and competencies for lifelong competitiveness and employability, in order to cope effectively with the demands of the changing economic environment.
Kung hindi mo ito naintindihan ay manigas ka na lang habang nakahiga.
Kapag natanggap ka ng kumpanya ay i-aaply ka nila ng work pass depende sa kwalipikasyon mo bilang isang torero.
Non-residents must hold a valid work pass before they can work. Employers who hire foreigners without valid work passes can be prosecuted under the Employment of Foreign Manpower Act.
Kung sa Pinas ay maraming pasas at puro paasa, dito naman ay maraming klase ng passes. Ang work pass ay depende sa iyong personal na kwalipikasyon tulad ng eskuwelahan na iyong pinag-aralan, ang related-experience mo sa trabahong ina-aplayan mo at kung ilang taon ka nang nagtratrabaho sa ganitong posisyon.
Halimbawa holdaper ka sa Pinas. Ang tanong ay kung saang kanto ka ba nag-aral mang-holdap? Holdaper ka ba talaga? At kung ilang taon ka nang holdaper?
Kung g.r.o. ka naman, ang tanong ay kung saang beerhouse ka ba galing, g.r.o. ka ba talaga at kung ilan na ba ang tumira sa bahay nyo?
Ibig sabihin, kapag maganda ang pintura ng school building niyo, sigurado pasok ka sa banga pero kung ultimo nakalawit na mga bakal ay hindi maayos-ayos malamang bagsak ka.
Kung mag-aapply kang programmer dapat ay may mahabang experience ka na ring maging programmer. Kahit yung taga-ayos lang ng program para sa gay contest tuwing piyesta sa inyo puwede na siguro yun, bilangin mo na lang kung ilang taon.
Kapag na-deny ka ng MOM ay hindi ka na puwedeng tanggapin ng kumpanyang inaplayan mo kahit gusto ka pang dilaan ng baklang interviewer.
Bagsak ka sa step two kaya kailangan mong maghanap ng panibagong aaplayan.
Kontrolado ng gobyerno ang mga kumpanya dito pagdating sa manpower, hindi nila papayagang basta magdagdag kung hindi kakayanin ng kumpanya.
Wala nga namang babagsak o malulugi dahil sa napakaraming empleyadong hindi naman kayang pasahurin ng tama.
May limit din kung ilan ang dapat na foreigners sa bawat kumpanya depende sa laki ng income para mabalanse ng tama ang bawat posisiyon na kung titignan mo sa iba ay ibang-iba na napakaraming bossing na puro lang naman nakanganga at halos manuno na sa kaka-utos.
Kung ating susuriin, pati sa pagpapatakbo ng negosyo sila ay napakadisiplinado, metikuloso at matuwid, bagay na may hatid na magandang mga resulta para sa ekonomiya ng isang bansa.
Kung tutuusin, sa atin ay marami naman talagang plano para maayos ang ating gobyerno at ekonomiya, maraming mga lapis na handang magsulat, ang problema lamang ay wala silang masulatang malilinis na mga papel dala ng mga bakat ng pamburang ginamit ng mga taong burara.
Palibhasa hindi gumamit ng isang tuwid na ruler para hindi bumaliko ang utak at dungisan ang mga papel.
Bawat isa sa atin ay maituturing na mga lapis na may kanya-kanyang papel sa buhay, minsan kailangan lang nating gumamit ng isang matuwid na ruler para maideretso ang bawat guhit ng ating kapalaran.
Lahat tayo ay lapis na naghahangad ng isang malinis na papel sa buhay para sa ikauunlad ng ating bansa, aanhin nga naman ang lapis kung wala namang malinis na papel?
We have the manpower, but we don't have the correct ministry, when can we learn?
***************************************************
CHAPTER 7: ANG ALAMAT NI BATMAN
7:00am. Oras na para gumising!
Saka na muna ang sagala sa kalye, wala sa tenga ko yan!
Apply online sa umaga, walk-in naman sa hapon, tapos saka gala sa gabi, hehe…
Likas na malakas ang lamang-loob ng mga pinoy, kaya nga idol natin si batman the great dahil siya na lang palagi ang bahala tuwing may problema tayo sa ating mga bahay at piso.
Kahit may maayos na delihensya sa pinas ay magre-resign para mag-apply sa ibang bansa ng walang kasiguruhan sa kahihinantan.
Bahala na si batman!
Yung iba nga kahit walang kakilala sa pupuntahan ay sige pa rin at magbabaka-sakali na may makikilalang mga bagong kaibigan, ano ‘to playground?
Bahala na si batman!
Mas okay na siguro ‘yun kesa naman sa mga nagpapanggap na super friends agad para makapunta sa ibang isla kahit nakasalubong mo lang naman sa kanto.
Bahala na si batman!
Meron namang iba na kahit alam na kulang sa bala ay sugod pa rin sa paglangoy at maghihintay na lamang sa mga gawad aruga–palit saya incorporated.
Bahala na si batman!
Kailangang magsipag! Di na puwede rito ‘yung tulo-laway kung ayaw mong pulutin sa gilid ng mga hawker.
Kung ‘yung iba ay nakakapag-send ng 30 online applications kada isang araw, gagawin kong triple sa akin. Tutal, wala namang bayad ang apply, send lang ng send hanggang sa makalimutan mo kung ano-ano na nga ba ang mga ina-aplayan mo.
Lagpas na ‘ko isang buwan, wala pa rin akong trabaho pero di ako titigil, magsisikap pa rin ako kahit paubos na pera ko. Bahala na si batman!
Sinubukan ko na ring mag-walk-in at bumili ng abante araw-araw para sa mga job openings. Maraming interviews pero maraming beses din akong nabigo.
Susuko na ba ako? Hindi ako puwedeng umuwi, maraming umaasa sa mga peksman ko sa buhay. Hindi ako titigil hanggang sa makakuha ng trabaho.
Bahala na si batman!
Malapit na ang three months, huling hirit ko na ito. Wala na dapat pang palagpasin, bawal nang ngumiti at bawal mangulangot, dapat seryoso na palagi, asan na si batman?
Konti na lang pera ko, tiis-tiis muna! ngayon ko lang naunawaan na masarap pala ang maglakad sa initan lalo na kung wala ka ng pera.
Masarap pala ang mga libreng tikim sa mall lalo na kung kumakalam ang sikmura mo.
At higit sa lahat, ngayon ko lang nalaman na hindi naman pala ako nag-iisa.
Hindi ako masamang tae pero ngayon lang ako natutong magdasal ng taimtim at seryoso (ows?).
Araw-araw ay dumadaan ako sa simbahan para magdasal at humingi ng tulong (weh?)
Ganito naman kasi tayo, naaalala lang natin siya kapag may problema tayo.
Nakalimutan ko na nga si batman sa buhay ko. Di pala siya effective.
Lord please help! Ayoko na kay batman!
Nadadaan naman daw sa tiyaga, dasal at tiwala sa sarili na malalampasan din ang lahat ng pagsubok. Sa wakas nakakuha na rin ako ng trabaho! Wooohooo…
Ito na ang pinakamasayang araw ko sa banyo, hindi ko ‘to makakalimutan, teks agad sa pinas para ipaalam ang magandang balita, pagkatapos ay deretso agad ako sa mga kaibigan ko para ipaalam na meron na akong trabaho, celebrate agad kami, inuman na ‘to!
Sabi sa’yo eh! makakakuha ka rin ng trabaho, ang galing talaga ni batman!
Ang bilis kong makalimot…
“Sometimes, people do not really pray as is, they only beg for their own sake” –ompong dilat-
****************************************************
CHAPTER 8: ANG ALAMAT NG TUTULI
Hi, who are you?
Me? I’m bryan
Ah, blayan la!
No, bra…yan..
Oh... you stupid ah!
Walawe!
**
It’s my first day today!
Oh, really la! Did you login oledi?
Not yet!
Okay, this one ah! Automatic ah! Everyday ah, just pick one hair ah, drop ah! Oki la?
Wow! Ang galing pala dito, di na uso bundy clock, wala ring panama ang finger print scan, pati eye scan ng mga kano panis dito. High-tech talaga!
Kada time-in at time out, kailangan mo lang bumunot ng isang pirasong buhok para ilaglag sa scanning machine, mahirap nga namang mandaya, high-tech na!
Hmm... owww… ahh… teka, teka! Mukha yatang lugi ako dito.
Punta muna ko c.r.
Where is the c.r.?
What do you mean la?
I mean the comfort room?
Ha?
Haa.. hmm.. ano pa ba ibang tawag dun... i mean the wash room.
Ha?
Hmm.. teka. nilawit ko nga. like that oh, like that!
Ah, okila, big big la! toilet there meh!
Dali dali akong lumabas para pumunta sa banyo. Binilang ko, naku! 500 na lang,
Ilang years ba contract ko dito? Malamang sa isang buong taon, mabubunutan ako ng 480 na buhok, wala nang matitira sakin. Tsk! tsk!
Ay may bente pa pala ko, meron pa rin akong naka-reserve, buti hindi ako nakapag-ahit, sige oki la! walawe!
**
Umagang umaga, nasira agad ang internet connection, kailangang pumunta sa server room. Sabak agad sa trabaho.
Kalikot dito, kalikot dun, dapat maayos ko ‘to para mapahanga ko agad boss ko.
You fix the internet? Ken?
No, I’m not ken, im bryan!
Blayan la! Fix la, ken?
I’m bryan!
Ken you fix the internet?
Walawe!
Wa Lapen?
Hmmm... we are having some problems with the internet connection, maybe we have to reset the router.
Can or cannot?
Can, why cannot!
Do you have a phone?
Yes!
Maybe we make a ko
Ha?
Can we make a ko?
No, i can’t make you!
**
Lunch time na!
Give me chicken rice, one lah! And one extra rice
Rice ah? Extra ah! How many?
All in all, give me two rice ah! Then one root beer for my drinks. That would be fine la!
Maya-maya binigyan ako ng isang rice plus apat na extra rice...
Wow, dami ah!
Ang root beer ko ay naging red horse beer! Hanep tanghaling tapat eh!
Walawe!
**
Balik sa trabaho, konting oras na lang uwian na, sabi nila mabilis daw talaga ang takbo ng oras dito. Kinausap ako nung kasama ko sa opisina.
Hey, what time are you going beck?
Ah… eh… Tomorrow I will go back early morning.
What??? You OT ah, work until tomollow? Don’t want to go home meh? aiyooooo....
Ha?
Nalito ako dito, akala ko tinatanong kung kelan ako babalik, syempre bukas babalik ako para pumasok, yun pala tinatanong kung anong oras ako uuwi.
Walawe!
**
Pagupit muna ko buhok kahit konti na lang, mas maganda pa rin kasi kapag ahit pogi ka.
Paktay, paano ko kaya sasabihin kung anong klaseng gupit gusto ko, hindi ko puwedeng sabihing barbers cut dahil mukhang hindi kami magkakaintindihan
Mas maganda pa siguro kung i-describe ko na lang ang gusto ko mangyari. Sana andito si Bik at Jowi para may taga-sabi ng oo, hindi at puwede.
Like that oh, like that! no meh! haizz... mukhang hindi ako maintindihan.
Kailangang umisip ng paraan, dinukot ko yung wallet ko para maghanap ng picture ko na ahit pogi, mukhang magandang ideya ito, buti na lang naisip ko.
Hmm... hmm... wala ako makita, kung may internet lang sana para naipakita ko yung picture ko
sa paste book.
Wala talaga, sige, ito na nga lang, may naitatabi pa naman akong picture na stolen shot.
Ohhh... this one meh? so many ah! cannot go beck meh!
Kayo na bahala mag-isip kung ano nangyari.
Walawe!
**
Haizz… tinatamad ako, kakaantok pa kasi! Mukhang hindi ako makakapasok, absent muna ko siguro, kunwari na lang may sakit ako.
Pero ibang klase dito kung gusto mong umabsent na may sakit, kailangan mong pumunta sa doktor para magpa check-up, dapat may katibayan ka na may sakit ka talaga kahit nagsasakit-sakitan ka lang.
At dahil ang sakit ng ulo ang pinakamahirap na ma-detect ng mga ghostbusters, ito ang dinahilan ko para makalusot ako sa doctor.
Need to have a check up doctor, I'm having a bad head ache
Are you Filipino?
Yes, doctor
You Filipinos are troublesome! anywhere you go you cause trouble, you are always a headache!
Ha?
Okey, open your mouth... That's it!
Masakit ulo ko pero bakit ako pinanganga? Sana isa ka na lang dvd.
Why meh?
Para may sub-title ka sa mukha.
Aiyoooo... yah lah!
**
Para sa iyong kaibigan, kapatid, kamag-anak, syota, syoto o asawa, naranasan mo na bang may makagalit o makatampuhan sa kanila? Huwag kang mag-alala, hindi kayo ngongo o bingi o dahil sa kulang sa pag-uusap, minsan kailangan lang nating samahan ng aksyon para linisin at tanggalin ang mga tutuleng nakabara sa ating pag-iisip at lubos na maunawaan ang mga bagay na mas mahalaga kaysa iba. Lahat tayo ay nakakaintindi pero hindi lahat ay lubos na nakakaunawa –ompong dilat-
***************************************************
CHAPTER 9: ANG ALAMAT NG BIG-TIME PAYASO
Inbox…
Ei, san ka na? di ka man lang nagpa-despedida, umalis ka na pala!
Big-time ka na siguro ngayon ah!
Uy! Sa abroad ka na pala nagwo-work, Wow! Astig! Big-time ka na pala!
Oi! Kelan ka pa diyan? Ano, okay ba work mo diyan?
Baka may alam kang work diyan, kunin mo naman ako, balita ko big-time ka na daw diyan eh!
Baka may opening diyan sa inyo, puwede ko ba pasa yung resume ko para pagpunta ko diyan interview na lang.
(tigas ng mukha!!!)
**
Hindi uso kinsenas dito, palaging buwanan ang sahod, isang bagsakan para isang gastusan.
At iyon ang masamang balita, isang buwan ang dapat kong hintayin bago makasahod sa mukha.
Wala na akong pera maliban sa nautang kong benteng haba, apat na linggo pa ang dapat kong hintayin, kailangan tiis-tiis muna, kailangang i-budget ng maayos ang huling mga baraha. Hindi kasi uso ang bale dito kung ayaw mong mabalian ng buto.
Kung sa pinas ay panay ang kain ko, dito ay natuto akong mag-diet kahit di naman kinakailangan. Pag-gising sa umaga, tubig at mentos lang para sa almusal, sapat na resistensiya na ‘to para makarating ka sa opisina.
Pagdating sa tanghali ay oorder ako ng isang ulam at dalawang extra rice para tumagal ako hanggang gabi, huling kain ko na ‘to ng kanin dahil pancit canton naman ang tinitira ko ng patalikod tuwing gabi.
Dito ko nagamit ang pagkahilig ko sa pancit canton. Hindi naman pala nakakasawa lalo na kung kinakailangan.
Walang karapatang mag-reklamo ang bituka mong walang ginawa kundi pumulupot. Nakatiis ako ng isang linggo para sa ganitong sistema ng kunya-kunyariang kain.
Nang ikalawang linggo ay bumili ako ng bigas-bigasan para makapagsaing at makakain ng totoong kanin.
Walang kamatayang itlog naman ang pinagdiskitahan kong ulam, masarap pala ‘to lalo na kapag pinapahid at madaling-araw kinakain.
Sinubukan ko rin ang tinapay at kanin, okay na palaman ang kanin lalo na kung masabaw-sabaw na parang peanut butter na kulay white.
Kailangang madaling araw ang kain para tulog na lahat ng kasama ko. Ayoko kasing ipakita sa kanila ang special recipe ko, mahirap na baka magka-gayahan.
Kung minsan, ay sa kubeta ako kumakain para walang inggitan sa pagkain.
Natiis ko ‘to ng isang linggo sa sobrang pagtitipid, minsan nga pakiramdam ko ay piniritong itlog ang lumalabas sa pisngi ko tuwing tinatawag ako ng kalikasan.
Dalawang linggo na lang ay may sahod na ‘ko sa mukha, pero wala na ‘kong kapera-pera, biniro ko ang kasamahan ko sa bahay na ipag-plaplantsa ko sila kapalit ng pisong bilog.
Buti na lang at kumagat at nagkaroon ako ng delihensya, sapat na ‘to para sa isa pang linggo. Pinagpla-plantsa ko sila habang sila ay nasa galaan at nagpapakasarap sa kalye.
Habang nagpla-plantsa ay di ko mapigilang tumulo ang sipon ko sa mga mata, hindi ko alam kung bakit ko ‘to ginagawa.
Isang linggo na lang, konting diskarte na lang, kailangang tipirin ang lahat ng hawak kong mga bilog.
Wala ng kain-kain sa umaga. Sa tanghali naman ay hindi nako sumasabay sa mga ka-opisina ko, kunwari na lang ay meron akong kaibigang pinoy na naghihintay para sabay kami kumain.
Okay na ‘kong ngumangatngat ng sky flakes sa kubeta. Stay ako dito ng 30 minutes para hindi gaano halata.
Kapag sa hapon ay ginagamitan ko na lang ng water therapy para tanggal gutom sa isip tuwing kumakalam ang sikmura ko,
Nasubukan kong bumalik minsan sa pagluluto ng pancit canton, hindi ko rin itinatapon ang pinag-initang tubig dahil ginagamit ko ‘tong pampalasa sa kanin dahil wala na ‘kong pambili ng puting itlog, itim kasi yung akin.
Naranasan ko na ring mag-ulam sa hangin. Tineteks ko lang ang pamilya ko sa Pinas kung anong ulam nila ng mga oras na ‘yun at sinasabayan ko ng kain sa isip, medyo masakit nga lang sa tiyan pero puwede na rin.
Hindi nila puwedeng malaman na nahihirapan na ‘ko dito.
Hindi nila puwedeng malaman na minsan akong nahilo’t tumumba dahil sa gutom.
Hindi nila puwedeng malaman na naglalakad lang ako pauwi para makatipid.
Hindi nila puwedeng malaman na sa kubeta ako kumakain.
Hindi nila puwedeng malaman na sa stock room lang ako natutulog.
Kailangan kong maging matibay dahil ako ay big-time, isang big-time payaso.
"Minsan, kapag ika'y aking tinutulak, 'wag ka sanang magtatampo, 'yun ay dahil lamang sa gusto kong ako ay iyong kabigin palapit sa'yo" -ompong dilat-
"Mahirap pa lang maging matatag, dahil walang magtatanong sa'yo kung ikaw ay nahihirapan na" -ompong dilat-
***************************************************
CHAPTER 10: "ANG ALAMAT NG NGITING ASO"
Instant sarap pala kapag sumasahod ka na ng dolyares, pwedeng times payb agad sa kinikita mo sa Pinas.
Para kang tumama sa tanching, malaking bagay nga naman para mabili mo ang mga bagay na gusto mo.
Damit, sapatos, pantalon, panlakad, pang-gewang at kung anu-anung mga pangkula.
Mga pagkaing mayaman na barya-barya lang para sa’kin. Mayaman sa alat, mayaman sa sawsawan, mayaman sa pulutan at mayaman sa alak.
Masarap daw kapag marami kang pera, manamis-namis kahit medyo maalat sa ngiti.
Pasko na bukas kaya ramdam ko ang lamig kahit hindi naman.
Sampung barako ang nakatira sa bahay, umuwi ang apat at nakaturok ang dalawa kaya apat kaming natira na nagtititigan maghapon.
Walang gustong mag-espadahan kaya nauwi na lang sa ambagan para busugin ang bawat isa sa kalinga ng taong ngayon mo lang nakasama, tipong kapwa ko, mahal ko the movie.
Kung buhay lang si ate luds ay nanawagan na sana kami sa eye-to-eye.
Nilabas lahat ng pangat para pagsaluhan, ito ang tawag sa pagkaing pangatlong beses ng ini-init dahil sa walang panahong magluto gawa ng pagod sa trabaho.
Mainam pa naman ang pangat, pang-a at pangli, huwang mo lang paaabutin ng pangsam at baka magreklamo na ang bituka mo.
May bumili ng malambot na inumin, matigas na inumin, keyk, kremang may yelo, hotdog na di nakatusok, lobo, pitchang kinakain, at fried chicken na hubad.
Ang daming handa pero asan ka na?
Ang daming pambili pero asan kayo?
Hello? Hello?
Titigan, kantahan, sayawan, at mga pilit na tawanang ngayon ko lang naranasan, masaya ang araw na ito pero iba pa rin pala ang sayang dulot ng mga taong kakulay mo ng dugo.
Marami kaming bisitang dumating para saluhan kami sa kunya-kunyariang kasiyahan para salubungin ang pasko. Dalawa sila lahat. Ang dami nila, sobra!
Siksikan nga kami sa bahay, halos di kami magkakitaan dahil sa sobrang kapal ng buhok.
Hindi na ‘ko tag-gutom, nabibili ko na ang mga gusto kong kainin, pero kahit ganito ay hindi pa rin ako nakakakain sa tamang oras.
Minsan wala ka ng oras kumain dahil pagod ka, puyat dahil hindi makatulog o dahil sa ayaw mo lang talaga kumain dahil tinatamad kang ngumuya.
Nasa kuwarto ka lang nakahiga, nakatuwid at naghihintay maubos ang oras, ito na ang pinaka-epektib na libangan sa tuwing walang ganang kumain.
Mahirap palang kumain ng masarap ng walang kasalo.
Mahirap palang gumastos ng walang pinagkaka-gastusan.
Mahirap palang ngumiti ng hindi nakalabas ang ipin.
Lumipas ang pasko na kanya-kanya sa pagtulog.
Nakakabingi sa katahimikan ang bagong taon.
Nakakaduling ang ngudnguran ng mga nguso nung balentayns.
Nakakamanhid ang bawat takbo ng oras.
Astig ka raw kapag sa abroad ka nagtratrabaho dahil marami kang pera, magagawa mo ang gusto mo, mabibili mo ang gusto mo, at mapapasyalan mo ang lahat ng gusto mo. Puro gusto mo lang para sa pansariling kasiyahan.
Bawal malungkot at bawal magkasakit dahil walang mag-aalaga sa’yo.
Mararanasan mong kusa ka na lang gagaling na para kang pusa na siyam ang buhay.
Ngayon ko lang naunawaan na hindi lahat ng nakangiti ay masaya, kung nakakain lang sana ang pera.
"Ang pag-ngiti ay bagay na madaling gawin pero mahirap panindigan ang tunay na nilalaman, masarap paniwalaan pero mahirap asahan sa katotohanan at higit sa lahat ito'y nagdadala ng sobrang kaligayahan kahit minsa'y walang katotohanan"
1 comments:
Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
mayocareclinic@gmail.com
Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.
Post a Comment