The story tells the different scenarios and reasons of why Filipinos opted to work abroad hoping to bring in a better future for their respective families.
But is this really the answer for all our dreams?
Was it really worth leaving your career, your family, your spouse, your kids, your fiancé?
The story goes on showing the early struggles of a typical Filipino overseas worker, how they cope and manage to survive the challenges and becoming financially stable.
How do we respond to this opportunity to earn big bucks of money? Can it bring joy and contentment to all our family needs? How about to ourselves?
How do we use our dollar earnings? Will our emotional struggles living away from our country affect all of our decisions?
Are we going to abuse and misuse all the material things that we have? Will it lead us to forget what is really our purpose of working abroad?
At the end of it all, we maybe asking ourselves which is really more important, is it me or money?
Is this really our passport to success? Can we correct all the mistakes that we have done in our life? Can we bring back what we have once? Can we do it alone?
Do i make my family proud?
Do i make myself proud?
Do i make my country proud?
INTRODUCTION
Bakit ba kailangan mong sumakay sa may pakpak?
Kailangan ba talagang lumaklak?
Para saan ang kulay asul na papel?
Para sa pamilya, sa makinilya o para kay pilya?
Ito lang ba ang paraan?
Handa ka bang mawala ang nakaraan?
Baka mapunta ka kung saan
Kailangan mo ba talagang lumipad?
Kaya mo bang abutin ang tuktok?
Huwag mong itutok at baka marupok
Kaya mo bang mang-iwan? Baka ikaw ang ma-ewan
Mahirapan ka kaya? Kayanin mo kaya? Di bale na lang kaya?
E paano kung marami ka nang pera?
Baka lagi kang tumira
Sasaya ka kaya?
Makuntento ka kaya?
Paano kung nadala ka nang emosyon?
Handa ka bang mangunsumisyon?
Paano kung malason ang utak?
Handa ka ba sa mga putak?
Maapektuhan kaya ang mga desisyon mo sa buhay?
Sana may uuwian ka pang bahay
Ano nga ba talaga ang mas mahalaga?
Ang buhay nga ba o bahay?
Ito nga ba ang ating pasaporte sa hilaw na mga pangarap?
Maaari pa bang itama ang mga bagay na may ekis?
Maaari pa bang ibalik ang mga bagay na tunay na mas halaga?
May mga bagay na hindi pero pwede
May mga bagay na pwede pero hindi
Kung pwede lang sana, hindi na lang sana...
CHAPTER 1: ANG ALAMAT NG PEKSMAN
O, ano? Di ka na naman pumasok?
Ayoko na po mag-aral!
Anak ka talaga ng tipaklong, ano na naman problema mo? Puro ka kasi laro, basketball dito, basketball dun, 'pag ikaw naka-shoot, ewan ko na lang!
Paano ka makakatulong samin? Hoy! Matanda na kami kaya magsikap ka mag-aral, tignan mo nga yung tatay mo! Dati malaki muscle, ngayon lumambot na kaka-trabaho, ayaw na tumigas, kasalanan mo ‘yan!
Ha?
Ang dami nating utang, kaya kita pinag-aral para makatulong ka sa pagbayad, ‘yun ang isipin mo hindi yung puro syota mong laging nakanganga.
Magtratrabaho na lang po ako.
Ano namang trabaho papasukan mo? Aber!
Walang tatanggap sa’yo dito! Ano papasukan mo?
Tagahugas? Tagalinis? Tagapahid? Tindero? Panadero? Asukalero? Bolero?
Magkano lang kinikita nun, pang-bisyo mo pa lang kulang na!
Subukan ko po mag-abroad, sabi nung kaibigan ko baka suwertehin daw ako dun. 'Pag nangyari 'yun, tiyak matutulungan ko kayo mabayaran ang mga utang natin, Peksman!
Eh ngongo ka pala eh!
***
Hoy! Lintik kang bata ka! ang batugan mo talaga! tumayo ka diyan at tumulong ka sa gawaing bahay. Wala ka talagang silbi! matapos kita pag-aralin, puro tulog inaatupag mo, anong klaseng eskuwelahan ‘yan?
May natutunan ka ba talaga o puro gala lang ginagawa mo kaya wala kang makuhang trabaho, palibhasa bilog ang utak mo!
Di mo gayahin ‘yung kapitbahay natin, sabi ni mare, nakapag-abroad na yung anak niya. Ikaw, kahit dito wala kang makuhang trabaho, sayang lang pagpapa-aral ko sa’yo!
O sige na po, try ko mag-apply, pag sinuwerte ako, hindi nyo na kailangan mag-trabaho pa, papadalhan ko na lang kayo ng pera buwan-buwan, peksman!
***
O kamusta na? akalain mo, dito pa tayo nagkita, ano trabaho mo ngayon?
Programmer!
Buti ka pa, ako di ko nagamit ‘yung pinag-aralan ko.
O, bakit naman?
Alam mo naman, Tamad kasi ko mag-aral dati, di ko sineryoso gaano, kaya nag-abroad na lang ako. Kahit malayo sa course ko, at least malaki kita.
Wow! ikaw pala ang big-time sa’tin. Ako nga, maganda nga trabaho ko, pero ang liit naman ng sahod ko, laki pa ng tax, halos wala ng matira sa’kin.
Try mo mag-abroad, malay mo suwertehin ka.
Sige try ko! Basta sabi mo ‘yan ah! May chance ba talaga ako dun?
Oo naman, maniwala ka sa sinasabi ko! Peksman!
***
I love you! Cutie apple pie!
I love you more..! Mwahh.. mwahh.. mwahh!!
Happy anniv!
Uy! Ang sweet-sweet naman may choco-choco crunchy, kinikilig ako, ayan tuloy basa na!
Ano ‘yun?
Secreeeeeet! Wiii… wiii.. wiii…
Oww… oww… oww… sige punasan ko na lang.
Kelan mo ba ‘ko papakasalan?
Ha! Alam mo naman wala pa tayong ipon sa banga. Mag-abroad na lang muna ‘ko, pagbalik ko saka tayo pakasal.
Ganun? Basta sabi mo ‘yan ha! Babalikan mo ko.
Peksman!
***
Si junior wala ng gatas at pampers! May pera ka na ba?
Kelan nga pala natin papabinyagan si baby? May trabaho ka na ba?
Wow! Malapit na mag-aral panganay natin! Enrollment na sa susunod na buwan. May sahod ka na ba?
Marami nang sira sa bahay natin, kailangan ng ipaayos, mag-loan ka kaya?
Uy! Si mare at pare, nakapagpatayo na pala ng sariling bahay, may bago ‘ring kotse! Astig! Mag-abroad ka kaya?
Okay lang ba sa’yo?
Wala na tayong choice eh!
Di ka ba malulungkot?
Konting tiis lang naman ‘yun, Kakayanin ko na lang, peksman!
***
Sabi nila, kahit di ka nakatapos ng pag-aaral, puwede ka mag-abroad para kumita ng malaki.
Sabi nila, kapag nahirapan kang humanap ng maayos na trabaho sa pinas, mag-abroad ka at baka suwertehin.
Sabi nila, kahit di ka gaano natuto sa pag-aaral, basta magaling ka dumiskarte, puwede ka makapag-trabaho sa abroad.
Sabi nila, kung gusto mo makaipon para sa iyong mga pangarap, puwede kang mag-abroad para mabili ang lahat ng luho mo.
Sabi nila kung gusto mo raw makaahon sa hirap, puwede ka mag-abroad para maibigay ang pangangailangan ng mga mahal mo sa buhay.
Maraming umalis dala ang isang maletang mga pangarap, umaasang sa pagbalik ay may dalang isang kahong ginhawa at saya dulot ng mga bagay na dati ay wala.
Saan nga ba hahantong ang lahat ng ating mga pangarap at pangako?
Handa ka bang mawala ang dating meron kapalit ng meron na dati ay wala?
Ito ang alamat ng peksman.
"promises are just like dreams, it will never come true unless you put your heart into it" - ompong dilat
Sabi nila mahigpit daw sa immigration sa Pinas. Para kang preso na di basta-basta makakalusot. Kapag medyo kabado ang mukha at ngipin mo, tiyak na hindi ka palulusutin at dadalhin ka sa immigration officer sa loob ng opisina para tanungin, takutin at ipamukha sayo na wala kang karapatang umalis ng bansa.
Ito ang tunay na box office, mahaba ang pila dito kaya marami ang naiiwan sa biyaheng langit, kung di man ay tuluyan nang hindi pinapaaalis kapag di ka pumasa sa series of investigation na para kang kriminal kung tratuhin.
Pagkainis ang natural na reaksyon mo, dahil kung tutuusin ay para naman silang hindi mga kapwa pinoy na pinahihirapan ang mga gusto lamang gumanda ang buhay sa ibang bansa.
‘Asan ticket mo? Isa ako sa mga dumaan sa butas ng itim na kalabaw. Naibaba na ang hatol. Hindi ako pinapaalis. Kapag mahina ang loob mo ay tatanggapin mo na agad ang hatol, sayang ang bayad sa ticket na papel.
Sayang ang gastos lalo na kapag bagong gupit ka kina mang temi, sayang ang baong pancit canton, sardinas, hotdog, longganisa at ang sangkatutak na resume.
Salamat at adik ako sa research at nakakuha ako ng makabagong teknik. Konti na lang ang power ko at mana-knockout na ako sa round one pa lang.
Nag-galit galitan ako, para akong si incredible hulk o si captain barbel. Gusto ko na ring maging si shaider sa mga oras na ito para tawagin ang aking blue hawk na motor.
Pinaliwanagan ko ang itim na kalabaw na may kasamang panlalaki ng mata. Binola ko nang husto na para lamang akong nasa classroom. Effective nga! Gumana ang pagiging best actor ko. Feeling ko bakla ito!
Nakuha ko na rin ang inaasam na isang pirasong tatak na naghihiwalay sa mga taong mahina ang loob na agad bumigay sa desisyon ng ibang tao at sa mga taong tunay na ipinaglaban ang kanilang karapatan.
Mahirap ang buhay sa ibang bansa. Saan ka pupulutin kung dito pa lamang sa atin ay wala ka ng lakas ng loob, diskarte at tapang na harapin ang mga pagsubok na darating sa’yo.
Lahat ng ito ang iyong magiging plane ticket sa tagumpay na iyong pangunahing peksman sa buhay.
Ipinapakita rito na dapat mong lakasan ang loob mo at huwag pangungunahan ng takot at kaba sa lahat ng mga tanong. Tayo ay inihahanda lamang sa mas mahigpit pang mga katanungan na ating haharapin pag-alis ng bansa. Kung dito pa lamang ay nagpatalo ka na ay malamang wala ka ring mapapala sa paglabas.
Kaya ba nating maging matatag?
Dito lamang magpapaikot-ikot ang buhay ng isang OFW.
Ito ang alamat ng plane ticket.
Handa ka na ba?
"How can you win if you accept defeat even before the game has started?" -ompong dilat-
Can it fly?
Yes! Way up in the sky!
Ito ang sabi ni Barney, kung di mo siya kilala, siguro dapat ka nang mag-asawa!
Nakaupo, nakanganga, nakatulala, nakangisi, nakadilat, nakabuka. Samut-saring itsura habang nag-iintay sa lumilipad na bakal.
Sa wakas, dumating na din! Kunwari di excited kaya nagpahuli sa pila. Iba pala ang pakiramdam nang sumasakay mag-isa dahil pilit mong nakikisakay sa ngiti ng iba.
Malakas ang hangin at ulan dala ng bagyong walang magawa sa buhay.
Ganunpaman lumipad pa rin ang bakal. Dahan-dahan, unti-unting bumibilis hanggang sa tuluyang umangat. Tone-tonelada man ang bigat ay nagawa pa rin nitong umangat.
Ang ganda ng tanawin mula sa itaas, kitang-kita ang dumi at linis ng paligid. Palibhasa gabi ang alis kaya maganda tignan ang mga kumikislap at patay-sinding mga ilaw galing sa bahay aliwan.
Unti-unti ay lumiit ang aking mga nakikita, dumilim at tuluyang nawala. Maalog ang byahe dahil sa makakapal na mga ulap. Para akong nasa karnabal dahil sa takot sa lakas ng mga kulog at kidlat. Tipong halos tamaan na ang pakpak ng higanteng bakal.
Patuloy ang lakas ng pag-uga, mapapakapit ka sa katabi mo kahit wala naman dahil sa pag-aalalang babagsak ang bakal. Maraming bakanteng upuan dahil sa mga taong di nakalusot sa mga itim na kalabaw.
Pinatay na ang lahat ng ilaw. Nagdilim na rin ang lahat. Wala ka nang makikita sa labas at wala rin akong katabi. Nangyari ang lahat ng ito sa panahong kalakasan ng pag-uga, kidlat, kulog, at kalog ng kung anu-anung bagay. Makakarating kaya kami kung ganito na minsan ay napipilitang bumaba ng kaunti ang bakal dahil hindi nakakayanan ang bigat ni hanging habagat?
Minsan parang iisipin mo na hindi na kaya pero patuloy pa rin si bakal sa paglipad. Matagal-tagal rin ang pag-iintay. Ayan binuksan na ang ilaw. Tapos na rin ang unos. Lumiwanag na rin sa wakas.
Biglang nagsalita ang stewardess na walang ginawa kundi bentahan kami ng pagkaing presyong ginto. 50 pesos ang tubig at 100 pesos naman ang isang pirasong pansesal. “In a few minutes, we will be arriving at the airport” ito ang gustong marinig ng lahat, hindi ang mga nilalako na kahit tulog ka ay kakalabitin ka at tatanungin kung gusto mo ng tubig na hindi malamig.
Dito walang ulan, walang bagyo at maaliwalas ang paligid. Ibang-iba sa aking pinanggalingan.
Nakaupo. Nakanganga, Nakatulala. Nakangisi. Nakadilat. Nakabuka. Samut-saring itsura habang nag-iintay sa lumilipad na bakal.
Samut-saring itsura ng mga taong naghihintay sa kapalaran.
Sa wakas, dumating na din! Kunwari di excited kaya nagpahuli sa pila. Iba pala ang pakiramdam nang sumasakay mag-isa dahil pilit mong nakikisakay sa ngiti ng iba.
Gaano man katagal, asahan mo na darating din ang pagkakataon sa bawat isa sa atin.
Malakas ang hangin at ulan dala ng bagyong walang magawa sa buhay.
Lahat tayo ay nakaranas ng iba-ibat klaseng hirap, mga bagyong tunay na sumubok sa ating kakayahan at katatagan.
Ganunpaman lumipad pa rin ang bakal. Dahan-dahan, unti-unting bumibilis hanggang sa tuluyang umangat. Tone-tonelada man ang bigat ay nagawa pa rin nitong umangat.
Gaano man kahirap at kabigat ang ating mga pinagdaanan ay nagawa pa rin nating lumaban at magpatuloy, hindi tayo tumigil. Mahirap sa umpisa pero dahil sa ating tiyaga ay nagawa pa rin nating iangat ang ating mga sarili laban sa mga pagsubok na dumating.
Ang ganda ng tanawin mula sa itaas, kitang-kita ang dumi at linis ng paligid. Palibhasa gabi ang alis kaya maganda tignan ang mga kumikislap at patay-sinding mga ilaw galing sa bahay aliwan.
Sabi nila kapag nasa itaas ka ay kita mo ang lahat ng bagay. Lahat ng pagkakamali ng bawat tao, minsan lang ay hindi mo na nakikita ang iyong sarili na ikaw rin ay may sariling mga pagkukulang. Kadalasan nangyayari ito sa mga taong nakatingin lamang sa mga madilim na bahagi na siyang pinagmumulan ng ating mga pagsubok.
Unti-unti ay lumiit ang aking mga nakikita, dumilim at tuluyang nawala. Maalog ang byahe dahil sa makakapal na mga ulap. Para akong nasa karnabal dahil sa takot sa lakas ng mga kulog at kidlat. Tipong halos tamaan na ang pakpak ng higanteng bakal.
Minsan sa sobrang bigat ng mga pagsubok, nararamdaman natin na lumiliit ang ating lugar. Lumiliit rin ang ating tiyansa na malagpasan ang mga bagay na ito hanggang sa dumating ang punto na halos wala ka nang makitang paraan at tuluyan nang mawalan ng pag-asa. Puro takot at pangamba dahil sa bigat ng iyong mga pagsubok sa buhay.
Patuloy ang lakas ng pag-uga, mapapakapit ka sa katabi mo kahit wala naman dahil sa pag-aalalang babagsak ang bakal. Maraming bakanteng upuan dahil sa mga taong di nakalusot sa mga itim na kalabaw.
Kung medyo mahina ang iyong loob ay patuloy ka lamang gagambalain ng matinding mga pagsubok na pinagdadaanan mo. Maghahanap ka ng masasandalan sa problemang ikaw rin lamang ang makakapagbigay ng solusyon. Huwag mong iasa sa iba kung gusto mong makawala.
Pinatay na ang lahat ng ilaw. Nagdilim na rin ang lahat. Wala ka nang makikita sa labas at wala rin akong katabi. Nangyari ang lahat ng ito sa panahong kalakasan ng pag-uga, kidlat, kulog, at kalog ng kung anu-anung bagay. Makakarating kaya kami kung ganito na minsan ay napipilitang bumaba ng kaunti ang bakal dahil hindi nakakayanan ang bigat ni hanging habagat?
Naranasan mo na rin bang mawalan ng pag-asa sa iyong hinahangad? Yung halos mag-isa ka na lang na tipong wala nang masandalan sa bigat ng iyong dinadala? Nangyari ang lahat ng ito sa pinakamabigat na bahagi ng iyong buhay. May solusyon pa ba ang bawat pinagdadaanan mo?
Minsan parang iisipin mo na hindi na kaya pero patuloy pa rin si bakal sa paglipad. Matagal-tagal rin ang pag-iintay. Ayan binuksan na ang ilaw. Tapos na rin ang unos. Lumiwanag na rin sa wakas.
Minsan iisipin mo na parang wala na talaga ang lahat. Pero ikaw ay naging sing-tigas ng bakal. Naging matibay ka para sa iyong sarili at para sa lahat ng mga taong importante sa buhay mo. Gaano man katagal, may hangganan rin ang lahat. Bubukas din ang pinto ng iyong pag-asa. Matatapos rin ang unos at dito sigurado ako na liliwanag na ang iyong bukas.
Biglang nagsalita ang stewardess na walang ginawa kundi bentahan kami ng pagkaing presyong ginto. 50 pesos ang tubig at 100 pesos naman ang isang pirasong pandesal. “In a few minutes, we will be arriving at the airport” ito ang gustong marinig ng lahat, hindi ang mga nilalako na kahit tulog ka ay kakalabitin ka at tatanungin kung gusto mo ng tubig na hindi malamig.
Mag mga bagay na akala natin ay walang halaga sa atin. Ngunit ang mga bagay na ito gaano man kamahal, lahat naman ay may kabuluhan sa ating paglalakbay. May mga pagkaing sadyang mahal ang presyo. Itinuturo lamang nito na dapat nating pahalagahan ang bawat butil ng ating pagkain tulad ng pagpapahalaga natin sa lahat ng taong nagmamahal sa atin.
Dito walang ulan, walang bagyo at maaliwalas ang paligid. Ibang-iba sa aking pinanggalingan.
Natapos na ang lahat ng pagsubok. Walang ulan, walang bagyo at maaliwalas ang lahat kung gagamitin mo sa wastong paraan ang lahat ng bagay na dumarating sa iyo. Kung ang mabigat na bakal nga ay nagawang lumipad, makalusot sa lahat ng pinagdaanan at makarating sa kanyang destinasyon, ikaw pa kaya?
"Lahat tayo ay may kanya-kanyang destinasyon sa buhay, nasa sa atin na lamang kung hanggang saan tayo magtitiyaga at gagamitin ang lahat ng ating kakayahan para patuloy na iangat ang sing-bigat ng bakal na ating mga pangarap" -ompong dilat-
Can you fly?
CHAPTER 4: ANG ALAMAT NG DOLBY DIGITAL
Sabi nila, high-tech raw lahat sa ibang bansa. Paglabas pa lang ng airport ay sasalubungin ka na ng taxi na umaandar kahit walang drayber.
Ang galing high-tech nga. Pero bakit ganun? Lahat ay may sakay sa kanang bahagi ng unahan ng taxi. Ay! Right hand drive pala.
Kaya pala maganda ang buhay dito because it’s always right. Sa iba kasi ang daming makakaliwa, nangangaliwa at saliwa ang mga pananaw sa buhay.
Dito sa napuntahan kong bansa walang rapist kaya kung ayaw mo ma-rape punta ka lang dito. Kahit tumuwad ka magdamag sa may kanto walang gagalaw sa’yo.
Kahit aso at pusa ay wala kang makikita sa daan, hinuhuli ang makikitang pagala-galang hayop. Kaya konting ingat na lang, mahirap na, at least binalaan kita.
Kilala mo ba si Cinderalla? Idol siya rito dahil maraming gumagaya sa kanya na hindi nagpapalagpas ng alas-dose ng gabi.
Bakit? Wala ka nang sasakyan na bus at mrt. Taxi na lang ang paraan para ka makauwi na doble palagi ang presyo kapag lumagpas ka na ng alas dose.
Kung inabot ka ng alas dose na nakasakay sa taxi, parahin mo na lang si uncle at lakarin mo na lang pauwi.
Bawal ipasok ang sapatos o tsinelas sa lahat ng condo/hdb unit. Lahat iniiwan sa labas ng pintuan, huwag kang mag-alala, walang magnanakaw dito dahil putol kamay ang hatol. Kung wala ka ng kamay ay meron ka pa naman sigurong iba pang mga nakalawit.
Dito walang konduktor kaya ligtas ka sa anghit nila. Di ka na rin mabubuwisit sa mga bus drayber na panay ang tigil sa bawat kanto at sulok na madadaanan.
Meron nang nakadestino na mga bus stop sa bawat lugar. Iwas trapik at aksidente. Kaya pala over-populated dito kasi walang namamatay sa katangahan.
May tamang sakayan, tamang babaan, tamang tawiran at tamang klase ng pagpapakamatay. Walang pulis sa kalye pero ni isa ay walang lumalabag sa mga patakaran. Disiplinado ika nga!
Sa araw-araw na pagpasok at pag-alis sa bahay. Bus at mrt lang ang kalimitang iyong sasakyan. Konektado ng mrt lahat. Kailangan mo lang ng hi-tech card.
Kung bigla kang naubusan ng load sa card, o sa top-up card para sa cellphone mo. Huwag ka mag-alala, mabilis lang lahat dito, sigaw ka lang ng darna at magkaka-load ka na agad.
Hindi ka rin mag-aalalang lalagpas ka ng babaan sa mrt dahil computerized guided lahat. Bigla ka na lang titilapon sa labas kapag kailangan mo nang bumaba.
Sa panahong inilagi ko rito, dalawa pa lang ang nakikita kong pulubi, isa si uncle na naghahalukay sa mga pinagtapunan sa basurahan. Uncle ang tawag dito sa mga matatanda kahit di mo kamag-anak, auntie naman ang para sa mga matatandang babae. Kapag bakla ay bakla pa rin.
Ako yata ‘yung pangalawang pulubi. Daig pa ako ng pulubing ito na naka-iphone. Ayos ka uncle! High-tech ka?
Dito ang bahay ay para lang sa mga tunay na mayaman. Halos lahat ng tao ay pantay pantay na nakatira sa mga condo units o hdb. Naka wi-fi lahat hanggang kubeta.
Kasama na sa bawat unit ang wide flat screen tv, ang napakalaking refrigerator na kasya ang limang tao. Puwede ka rito matulog kung nahihinaan ka sa airconditioned room mo.
Kasama na rin ang automatic na washing machine na tuyo na agad paglabas. Didilaan mo na lang para maplantsa.
Kumpleto ang gamit sa sala at kusina at high-tech na lutuan na kusa na lang puputok kapag sunog na ang niluluto mo.
Meron ka pang libreng pusang alaga na puwede mong katayin kung gusto mo ng kakaibang pulutan.
Three bedrooms karamihan na puwede mong paupahan sa iba sa wais na halaga. High-tech business!
Libre na rin ang gamit ng lahat ng amenities, puwede ka mag-gym magdamag dahil wala kang kaagaw. Sa’yo na rin ang buong basketball court dahil football, sepak takraw at bato-bato pick ang laro nila dito.
High-tech rin ang court dito na tuwing maglalaro ka ay meron ka na agad instant mga fans. Mga katulong at bading na nakadungaw sa kani-kanilang bintana.
High-tech din ang comform room dito. May heater! Puwede ring instant malamig na tubig kung medyo balat kalabaw ka kung maligo.
Dehado ka lang kapag medyo tumitilamsik at pumupururot ka pagdumi dahil naka-dolby digital ang loob nito kaya asahan mong dinig hanggang sa labas.
Dito lahat ng puwedeng padaliin ay papadaliin, mabilis ang proseso, disiplinado at konektado ang bawat trasportasyon. Hindi tulad sa iba na lagi kang minamadali ngunit walang progreso. Lahat planado para sa sariling kapakanan at puro koneksyon ang pinaiiral sa bawat transaksyon.
Dito maayos ang mga bahay dahil maayos ang buhay hindi tulad sa iba na inuuwi ang kaban ng bayan sa sariling bahay dahil maraming ibinabahay. Doble high-tech nga ba?
Hindi uso ang kanin dito kaya siguro karamihan ay mga payat, bihira o halos wala kang makikitang bochog, lahat payatot. Ikaw ba naman ang kumain ng noodles mula umaga hanggang gabi.
Walang jollibee, pero merong mcdonalds at kfc pero kahit dito ay wala kang mabibiling rice! Puro manok at fries lang.
Naku pano na’ko nito? Ang lakas ko pa naman sa extra rice.
Meron ka pa namang mabibiling ulam with rice, kailangan nga lang tanggapin ng tiyan mo ang kakaibang pagluto ng kanin dito.
Kulay brown na hiwa-hiwalay na masabaw-sabaw na parang nilubog sa mantika bago ihain sa’yo. Sabagay, puwede na rin kesa wala.
Madaling araw na nang dumating ako dito kaya tinanghali ako ng gising. Di ko pa kabisado ang lugar pero naglakas loob akong maglakad-lakad at maghanap ng makakainan. Sa pinas lalabas ka lang ng bahay ay marami ng samut-saring paninda.
May lugaw na apaw sa sabaw, mga luto at di-gaanong lutong ulam, mga inihaw tulad ng tenga ng baboy at betlog ng kabayo.
May maririnig ka pang taho at puto sa umaga. Isama mo na ang pandesal ni manong Johnny na may palamang ewan.
Dito kakaiba, kailangan mong maglakad ng pagkalayo-layo makakita lang ng kakainan. Makalipas ang tatlong oras… nakakita na rin ako na puwede kong kainan. Dito ko unang naranasan ang pagiging foreigner, para akong tanga na patingin-tingin at nag-oobserba kung pano umorder at ano ang kakainin. Palakad-lakad, paikot-ikot sa mga pagkaing ngayon ko pa lamang nakita.
Madami nang nakakahalata sa ginagawa ko kaya nagdesisyon akong lumapit sa isa sa mga may tindang kanin. Ito lang ang choice ko dahil yung iba ay puro noodles.
Wuhchingwalakodalkowataya…
Ay ewan, hindi ko maintindihan ang bungad sa akin ng tindera.
Kung oorder ka dapat sabihin mo raw sa pinakamabilis na paraan at direkta na. ‘Di ka nila maiintindihan kapag masyadong mahaba ang English mo.
One chicken rice. Tapos!!! Yun na ‘yun! Ganun lang kadali!
Kapag may tinanong ulit at di mo maintindihan. Umoo ka na lang para matapos na.
Mahal ang pagkain dito. Nagkakahalaga ng 100-300 pesos kada order at lahat ito ay walang kasamang drinks. Kahit service water wala.
Hindi uso ang drinking water station dito puwera na lang kung pagtitiyagaan mong saluhin ang tubig galing sa fountain o sa running water sa tabi ng leon.
Ang ending ay natapos ako sa pagkain ng wala man lang iniinom, laway lang ang puhunan ko. Puwede ka naman umorder ng drinks sa ibang tindahan pero kailangan mo na namang magbayad ng mga halagang 80 to 120 pesos.
Kung tatlong beses ka kakain sa isang araw ay malaking halaga na rin ang magagastos mo. Sa atin kasi pancit canton lang ay solve ka na.
Kinabukasan…
Kung kahapon ay sa pakaliwang banda ako naglakad, ngayon naman ay sinubukan kong maglakad pakanan. Deretso pa rin ang lakad ko siyempre, hindi naman ako talangka para maglakad patagilid.
Matapos ang dalawang araw ay nakakita na rin ako sa wakas ng puwede kong kainan. Mukhang mas maganda rito dahil mas maraming choices.
Sabi nila mas kauri daw natin ang mga Malaysian kaya dun ako pumunta sa nabasa kong “malay corner” na ano nga rin bang malay ko sa paninda nila. Baka dito ay makain ko ng maayos kung ano man ang bibilhin ko.
Nakakita ulit ako ng chicken. Ito lang naman ang puwede kong pagkatiwalaan na hindi sasama ang tiyan ko.
Huli na nang mapansin ko na “duck rice” pala ang naorder kong pagkain. Ibig sabihin hindi manok kundi pato ang kakainin ko kasama ang kulay brown na hiwa-hiwalay na kanin na binudburan ng nagmamantikang sarsa ng ewan. May libre pang kulay brown na mainit na sabaw.
Tiwala ako na masarap ang kakainin ko. Okay lang naman ang pato, puwede na ring kainin habang nakapikit.
Tinikman ko ang sabaw, wow! pare heavy! Ang lupit, di ko ma-take. Lasang ihi o pinagpigaan ng pawis na paa ng pato.
Sabi nila sa umpisa lang daw yun. Masasanay din raw ako sa mga pagkain dito na kahit itlog na kulay brown ay masarap na rin kahit di ko alam kung kaninong itlog yun.
Wulayasaching wokanayacha…
Ay ewan ito na naman… ang alam ko hindi intsik na salita ito. Ang alam ko lang ay bumibili ako kaharap ang isang indiano.
Kaya pala! Napagkamalan akong bumbay! Walawe.
Sabi nila ‘pag di mo naintindihan ang kanilang salita, sabihin mo lang English only!
Ewan ko ba kung bakit iba ang lumabas sa bibig ko.
Munyi, munyi… namo, namo…
Nag-imbento na lang ako ng salita basta may masabi lang.
Wyokshing hilasukoyutawshun…
Aba. Sumagot. Nagkaintindihan kami. Ang galing ko pala.
Sumagot ulit ako.
Munyi, munyi… namo, namo…
Aba! Sumagot pa ulit! Pero teka, mukhang nanlalaki ang mga mata at pinandidilatan ako, hindi na yata maganda ‘to.
Lumabas na lang ako para matapos na.
Namura ko yata! Munyi, munyi… namo, namo…
Mahirap makipag-usap sa ibang mga lahi. Hindi kayo magkaintindihan pero talo ka kapag ikaw ang dayuhan dahil ikaw dapat ang mag-adjust. Naranasan kong pagtawanan dahil hindi nila ako maintindihan.
Naaalala ko tuloy nung college pa lang ako ay lagi naming pinagtatawanan ang mga koreano at intsik na dayo sa ating bansa.
Andiyang nakakatikim sila ng panlalait, pinaglalaruan at ginagaya ang kanilang mga salita.
2 months, 6 months, 1 year, 5 years…
Pagbalik ko ay di ko na tatawanan ang mga banyagang namumuhay sa ating bansa bagkus ay tutulungan ko pa sila dahil tulad ko ay naranasan ko kung gaano kahirap mamuhay sa lupa ng iba.
Sana lahat tayo ay matutong rumespeto sa lahat ng mga dayuhang nakikipamuhay sa atin tulad ng kanilang pagrespeto at paggalang sa ating mga kalahing pinoy na nakikipamuhay rin sa ibang bansa.
Munyi, munyi… namo, namo…
0 comments:
Post a Comment