Pabili nga ng isang kilong pako, ‘yung de uno!, ani manong de kotse. Nagkilo ng pako si boy blogero at deretso balot sa plastik. Teka teka..kulang ‘ata ng isang guhit, apila ni manong de kotse. Isang guhit lang naman, guhitan ko kayo noo mo, biro ni boy blogero. Dapat sakto, siyempre nagbabayad ako, ani manong de kotse.
Teka, ano ba ang kinalaman ng pako sa buhay estudyante ? wala naman, pero ang pagkilo ay meron, ang pagtimbang ng mga bagay-bagay na natututunan natin sa ating silid aralan. Lahat-lahat… may bilog, may parisukat at meron ding baliko.
Bali-balita na maraming hilaw na mangga ang nakalabas ng paaralan. ‘yung tipong kulang pa raw ang kaalaman para makakuha ng trabahong naaayon sa kanyang kurso.
Mayroon namang malapit nang mag-graduate pero lito pa rin kung ano nga bang nangyayari sa kanya. Sinapian yata.
Meron namang nasa middle-year (kahit matanda na) na tila di pa rin alam ang kahulugan ng kursong pinasok. Nadala lang sa barkada at ganda ng pangalan ng kurso, pang big-time kasi, sarap pakinggan parang sindikato.
Merong namang mga bagitong first year… ahh… ano nga ba sila? Mga bagong biktima? Jejeje…
Kinulang nga ba sila sa kilo? Kinikilo nga ba ang utak? Kung susuriin, malaki na rin ang epekto ng isang guhit kung palagiang nakukulangan, barya-baryang lesson lang ‘yan pero malaki na rin ang epekto kung susumahin.
Tama nga ba si manong de kotse na dapat ay sakto palagi, nagbabayad nga naman siya. Dapat lang na ibigay ang tama. Sinong may pagkukulang?
Sabi ni ateng-ateng, si prof daw. Si sir at mam kasi, hindi nagtuturo. Bakit kaya ? sabi nila hindi raw naman kasi niya masyadong alam ‘yung tinuturo niya. Kaya hinahayaan na lang ang mga estudyante na mag self-learning (analytical at critical thinking daw). Hindi naman, hirit ni boy balasador.
Tinatamad lang ‘yun saka gumaganti, ganun din kasi ginawa sa kanila nung nag-aaral pa siya. Ang totoo, lahat naman ng prof ay may kapasidad magturo, dun na lang magkakatalo sa dedikasyon at malasakit, saka nagtuturo naman siya kulang nga lang ng isang guhit, depensa ni boy tupi. E Sino nga ba ang dapat magpuno ng kakulangan? Hanep na isang guhit yan, pinagtatalunan.
Sabi ni teacher bentong, estudyante rin naman ang may kasalanan. Nasanay kasi sa high school, di maka get-over. Gusto lahat galing sa prof. ‘yung tipong kapag hindi naituro ay hindi na rin aalamin. Demanding masyado parang kinilaw na sisig. Marami raw naman masipag. Ay oo nga, sa loob ng classroom, nagpa-participate naman, pero paglabas, kalat na agad ang isip, masyadong malikot, daming iniisip kala mo may factory ng imahinasyon.
Pero huwag mo namang iismolin ang mga estudyante sa pampublikong paaralan, kung tutuusin, ‘yan ang mga tunay na masisipag at matiyaga. Kahit hirap sa pera dahil sa dami ng projects, magtitiis ‘yan kahit maglakad pauwi basta may panggastos lang sa project. Kahit di na mag-lunch makapasok lang sa school, okay lang. Yosi at sabaw lang puwede nang pampalipas gutom o kaya ‘yung iba mentos lang katapat. ‘Yung iba ayos ang trip, chewing gum para pangmatagalan lalo na kung hanggang gabi klase mo.
Puwede naman, iba-ibahin mo lang yun flavor at style ng pag-nguya. Pag tag-ulan makikita mo kung sino yung pinaka-hirap, ‘yung pinaka apaw ang tubig sa sapatos, kaya ‘yung iba tsinelas na lang pagpasok, teknik ba. At least pumasok. Matiyaga nga.
Marami talaga ang nagsusumikap mag-aral para makakuha ng magandang trabaho sa hinaharap. Sana nga may hinaharap. Di nga lang alam ng iba kung saan sila haharap. Huwag sana sa likong landas. Ginagawa naman ng mga estudyante ang kanilang makakaya para maitama ang pagkilo, kadalasan nga lang din, kulang ng isang guhit. E kanino nga ba manggagaling ang isang guhit, sinong may pagkukulang?
Sabi ng estudyanteng si caloy, di naman talaga kami ang may pagkukulang. School ang may problema. Maaayos naman ang mga prof namin lalo na pagbagong sahod sa mukha. Masipag din naman ang mga estudyante, yun nga lang paano ka mag-aaral kung hindi sapat ang kagamitan, wala na ngang computer sa bahay, wala pang magamit na computer sa school. May pang-rent ka naman siguro? Wala rin? Bakit ka ba kasi nag-computer course, mag-shift ka na nga.
Mahirap nga namang matuto kung ang estudyante ay 40-50 students sa isang klase at ang computer nyo ay sampu lang, di pa gumagana lahat. Matindi nyan, namamatay pa ang kuryente kapag binuksan ng magkasabay ang dalawang comlab, ang galing auto-shutdown, sa 4th floor lang meron niyan, CCS nga e, advanced technology, wala pang nakakaisip niyan sa ibang school. Ang ending, programming na lang sa papel, bahala ka na umisip kung ano yung error ng program mo, i-run mo sa utak mo, para-paraan na lang.
Kung puwede nga lang mag-install kahit pang-debug lang sa utak, puwede na ring patusin. May space pa ba diyan sa utak mo? Baka mag-overload ‘wag na lang. Anong huwag? Lagyan mo naman, wala ngang laman e!
Ano na ngayon? Lumalabas ba na school talaga ang nagkulang? Sila nga ba ang pupuno sa isang guhit na pinagtatalunan ni boy blogero at manong de kotse.
E pano kung sila nga? May magagawa ka ba? May kaya bang gawin? Meron ka bang balak gawin? Mapaninindigan mo ba ang mga binabalak mo? Ano naman ang mapapala mo kung makikialam ka? Tatalino ka ba? Ituturing ka bang bayani para ilagay ang mukha mo sa benteng bilog? O hanggang puna ka na lang din tulad ni boy punas.
Marami ang mapang-puna ngunit kung iyong hihingan ng suhestiyon ay wala namang maibigay o kung iyong patutulungin ay wala namang balls para mag-dribble all the way, palibhasa puro dunk ang alam. Ang totoo wala naman talagang perpekto sa lahat ng bagay. Lahat naman talaga ay may kakulangan.
Nasa sa atin na ‘yon kung pano natin pupunan ang mga pagkukulang at ibibigay ang ating buong kakayanan para kahit papaano ay maisa-ayos ang dapat. Sabi nga, hindi dapat tayo maging parte ng problema, kundi ng isang solusyon na magpapaunlad sa ating nasa mga paligid.
Lahat ay de-kilo, lahat ay dapat timbangin, Ngunit hindi ito dapat maging pamantayan ng lahat ng mga nasa pamantasan para sa kanilang ikikilos. Matuto tayong magpasalamat sa kung anung meron at mag-isip ng paraan kung paano magagamit ng lubusan ang lahat ng kagamitan para sa ikabubuti ng lahat. Ang aking payo para sa ating pang-araw araw na pamumuhay ay huwag kang papaapekto sa iyong mga desisyon nang dahil sa isang guhit na kulang. Dahil ang isang guhit na ‘yan ang laging magpapa-alala sa atin na tayo ay meron pang dapat matutunan sa buhay. ANG MAMUHAY NG PATAS.
3 comments:
ah okie
ok ok bakit mo namang naisipang gumawa ng mga ganitong akda?
http://ompongdilat.com/
Post a Comment