Wednesday, November 2, 2011

ANG ALAMAT NG PASSPORT: ME OR MONEY? Chapters 11 to 15


CHAPTER 11: ANG ALAMAT NG HAYOP


Sahod na naman.


Masarap humawak ng dolyares na kulay asul, daming puwedeng puntahan at bilhin puwera ang puting ngipin na nakalabas.


Marami akong barkada dito, apat kami.


Sa ganda ng mga lugar dito ay mapapadalas ang pag sagala mo lalo na kung marami kang paputok.


Nakakamangha ang mga nagsasayaw at ang mga kumakantang tubig, ang sarap tumambay sa kunya-kunyariang lawa at dagat-dagatang ilaw.


Masarap sumakay sa mga samut-saring mga sasakyang dadalhin ka sa ulap.


Nakakabilib ang mga laruang dinosaur, para akong bumalik sa pagkabata, masaya na daw ako.


Ang dami kong bala, hindi ako nakuntento at pumunta pa ako sa kabilang ilog para mamangka sa dako pa roon ng pasyalan.


Malaysia, Indonesia, Hongkong, Thailand, Vietnam, Macau, pati Australia, lahat ‘yan ang sarap diyan, nakakamangha ang mga pasyalan, mga bagay at lugar na noon ay bahagi lang ng ating mga pangarap.


Humiling ka ng isa at binigyan ka ng marami, humiling ka pa ulit at humirit ka ng sobra-sobra.

Ang dating mga pilit na ngiti ay napapalitan ng panandaliang kasiyahan na dulot ng mga bagay na noon ay wala naman.


Halos lahat na yata ng pasyalan dito ay nalibot ko na sa panaginip pero isa lang ang tumatak sa isipan ko. Ito ay ang lugar kung saan makikita mo ang mga ibat-ibang klase at kulay ng hayop.


Mala-gubat sa eksena ang mga palabas, mga nagkakapalang mga buhok at damo sa ibaba sa palibot ng mga hayop na may kanya-kanyang lengguwahe.


Pero hindi lahat ng mga ito ang tumatak sa isipan ko kundi ang mga taong sobrang mangha at nakanganga sa kanilang mga nakkikita sa paligid.


Para bang ngayon lamang nakakita ng ganitong klase ng mga hayop.


Sa isip-isip ko lang ay ang babaw naman ng kaligayahan ng mga ito. Kung tutuusin ay hindi na naman bago sa akin ang lahat ng mga nasa paligid.


Nung nasa Pinas pa ako ay normal na sa akin ang makakita ng mga ganito. Ibat-ibang kulay at uri ng mga kahayupan sa aking pinang-galingan.


Sa barangay pa lang ay makikita mo na ang ibat-ibang hugis ng mga hayop na nakatambay sa labasan.


Sa kalye ay nagkalat ang mga buwaya na kanya-kanya sa paghintay ng mga ganansya.


Sa bulwagan ay nakapila ang mga nangangating kamay ng mga matsing na naghihintay maambunan ng isang piling ng saging.


Makikita mo rin ang mga ibon na panay ang lipad kaya palaging absent tuwing may roll call sa bird park.


Nariyan ang mga hayop na pagong na matipid at malihim na may kanya-kanyang alkansiya sa cabinet at bigla na lang nagtatago sa kani-kanilang lungga kapag dumarami ang mga tao. Para silang mga halamang makahiya na wala namang mga hiya.


Ang dami ko na ring nakitang mga tigreng ang lakas lumamon ng pork na nakalagay sa mga bariles.


Mga hayop na magikero na walang ginawa kundi mag-imbento ng mga proyekto para maipatahi ang mga butas na bulsa ng pantalon.


Kung tutuusin ay mas masarap pa ang buhay ng mga hayop kesa sa mga tao.


Nauso tuloy ang bahay-bahayan ng mga hayop na paramihan ng kuta sa ibat-ibang lugar at paramihan ng mapapasok na mga kweba.


Andiyan pa ang tagu-taguang yaman sa ibat-ibang palikuran at agawan-base ng mga posisyon sa larong dama de kupit.


Mukhang mahilig sa sports ang mga hayop, mahilig paglaruan ang lahat ng bagay na may pansariling pakinabang, dito siguro nauso ang board game na monopoly.


Minsan ay mapapaisip ka kung masaya ka bang naging tao o mangangarap ka na ring maging isang hayop tulad nila.


Kung ating iisipin ay lubos na mas marami ang pasyalan sa ating bansa.


Kayang daigin ang mga kalapit lugar dahil sa dami ng mga natural resources na inabuso at ginawang personal resources.


Sabi sa science, nanggaling daw ang tao sa hayop, hindi ako naniniwala dito dahil para sa akin ang hayop ang nanggaling sa tao.


Mga dating tao na naging hayop dala ng pagkasilaw sa walong sinag ng araw.


Tao ka pa ba o napaisip ka na ba kung isa ka sa mga hayop?


Huwag ka ng dumagdag.


Hayop ka ba? Baka gusto mong maging tao? Bawal-bawal ka diyan, eh so what kung magbabago ka eh may lawit ka naman, so pwede ka pa rin maging tao, ang sarap kaya, try mo!


**************************************************

CHAPTER 12: ANG ALAMAT NG PUTIK

Fast forward… autoplay… click.


Ohh.. wow! Ganda niyan ah!


Siyempre magaling ako pumili.


Kamusta yun iba nyo pang nabili?


Di ko pa tapos ayusin lahat, medyo magulo pa, kakalipat lang kasi namin. Kelan ka ba uuwi para mabisita mo naman ‘yung bago nating condo?


O, akala ko ba sa alabang kayo lumipat ?


Di na, pinarentahan na lang namin, sayang naman kasi, sampu ‘yung rooms dun eh iilan lang naman kami. Dito na lang kami stay sa bago nating condo.


Alin ba dun?


Ano ka ba! dito sa may condo natin sa ayala kami nag-stay para malapit sa mall. Alam mo naman yun dalaga natin puro gala, di na nga ‘yan kumakain sa bahay, palagi na lang nasa mall kasama ‘yung mga barkada nya. Ayun, panay ang babad sa sinehan. Ilang beses pa pinanood ‘yung alamat ng passport the movie, palabas na kasi sa sinehan.


Si junior naman, binata na rin at medyo mailap na sa ‘kin, bihira lang din sa bahay. Masyadong busy, dati puro karera ng kotse, ngayon naman nahilig sa karera ng kabayo, pinagalitan ko nga nung isang linggo dahil nakita kong may bago na namang kabayo, ewan ko ba sa anak mo’t nahilig sa ganyan, lahat na lang kinakabayo kahit maputik.


Pagsabihan mo nga ‘yang mga anak mo na medyo umiwas sa gastos, hindi biro ang mga perang pinapadala ko sa inyo, turuan mo mag-ipon. Ako nga ang daming kabayo dito, minsan gusto ko rin mangarera pero kinakamay ko na lang para mas malaki ang mapadala ko sa inyo, isa pa, marami tayong hinuhulugan diyan sa ngayon.


Ano ka ba, hayaan mo na ‘yung mga bata, diyan mo na nga lang sila napapaligaya, hayaan mo na sila sa mga luho nila.


Ikaw, kamusta ka naman diyan, ano pinagkaka-abalahan mo ngayon?


Nahilig ako ngayon sa gardening, panay nga ang padilig ko every weekends, masarap pala magtanim sa mga lupa, masaya siya at satisfying lalo na tuwing binabasa ang mga bulaklak, kaya nga eto’t napapasubo ako sa ganitong libangan kahit madalas akong maputikan. O, teka, andiyan na pala si mrs. Smith, may lakad pala kami.


O, saan na naman ang punta mo?


Magsho-shopping lang tapos deretso sa peryaan, magbi-bingo lang kami, maganda raw grand prize ngayon, yung bagong labas na kawali, stainless daw, uuwi rin naman kami pagkatapos, o, teka, eto yung panganay mo at kausapin mo’t aalis na kami, bye!


Hello, o ano? Paalis ako dad.


Saan naman punta mo?


Kasama ko ‘yung mga barkada ko, maglalaro lang kami ng paint ball.


Ano ‘yun?


Heller, dad! Di mo alam ‘yun, ikaw kasi ang tagal mo nang hindi umuuwi dito. Paint ball, ‘yun yung nagtitirahan ng mga pangkulay, para lang kayong naglalaro sa putikan, ‘wag ka mag-alala meron naman proteksyon sa katawan kaya di ako gaano masusugatan. Safe ako.


Meron bang ganung laro?


Oo naman, masaya ‘yun lalo na kung marami kayo, kainis nga lang kasi lagi kami talo, lagi kasi 'kong tinitira sa likod.


Tama na nga ‘yan, tumawag pala sakin yun principal nyo, palagi ka raw absent at nang-aaway ng teacher, ikaw ha, magtino ka diyan sa eskuwelahan na yan at ako ang napapahiya sa mga ginagawa mo, matuto kang gumalang sa mga teacher mo.


Oo na, paulit-ulit mo na lang sinasabi sakin na dati kang teacher dun at kakilala mo lahat ng teacher ko kaya dapat mag-aral ako ang mabuti, magtino, at gumalang sa kanila, kabisado ka na ‘yun. Epal lang kasi talaga minsan, lalo na kapag bagong teacher.


Kahit na, dapat gumagalang ka pa rin sa kanila.


Ginagawa ko naman eh! Minsan kasi nakakainis kapag maraming pinapagawa. Saka isa pa, binabayaran naman natin serbisyo nila kaya nga dun ako nag-aral, ang laki kaya ng tuition ko kaya dapat intindihin nila kami. ‘Pag ako nainis, ipapatanggal ko ‘yung mga epal na teacher sa school. Isang hirit ko lang kay ninang, pagbibigyan na ‘ko niyan, siyempre priority pa rin kami no!


Hay, naku ewan ko sayo. Asan ba si bunso?


Naku, wag mo na tanungin sa’kin ‘yung putik na ‘yun, kaaway ko ‘yun. Baka lasing na naman ‘yan, putik siya! puro alak na lang laman ng bituka, alam mo dad, nag-aadik pa ‘yan, nahuli kaya ‘yan ni mommy sa kuwarto nya. Dapat ‘yan pagsabihan mo dahil ako good girl ako.

Tooot… tooot… ayan na, umpisa na... putik!


**************************************************


CHAPTER 13: ANG ALAMAT NG MADAMOT

Congratulations!


Thank you, thank you! Woohoo… promoted ako! dati pang-junior lang, ngayon senior na ‘ko. Sarap ng feeling, tataas na naman sahod ko!


**************


Hi! Good morning!


O, ikaw pala pare, napadaan ka, halika, dito na lang tayo mag-usap sa loob ng opisina ko. Tuloy ka, ‘wag ka mahiya. Ingatan mo lang ‘yung sofa, kabibili ko lang kasi nyan.


Kamusta trabaho?


Eto, okay lang naman, ano ba atin, may tinda ka bang longganisa ngayon?


Ah, wala naman.


Sarap ng cake, eto kasi meryenda ko tuwing hapon, gusto mo bang kumain? Inday, pakilabas nga ‘yung hopia!


Pare, baka puwedeng makahiram muna sa’yo, emergency lang, gipit ako ngayon eh! kailangan lang ng pamilya ko sa pinas, ibabalik ko rin pagkasahod ko.


Naku, pasensiya ka na, alam mo gipit din ako ngayon, ang dami kong gastos, baka next time mapahiram kita, sa ngayon wala talaga ko maibibigay sa’yo.


Ganun ba? Kahit bente lang pambili lang ng watusi.


Pasensiya ka na, wala talaga, mabuti pa inom na lang tayo, libre kita para matanggal problema mo.


Naku, di na ‘ko umiinom ngayon eh! Salamat na lang, syanga pala, meron ditong parating na pinsan ko, mag-aapply din ng trabaho, next week ang dating.


Ganun ba? Ayos ‘yan.


Di ba may sarili kang condo unit, ‘yung pinapaupahan mo, baka puwedeng makituloy muna sa inyo kahit tatlong araw lang, lilipat din naman agad pag naihanap ko na ng mura-mura na tutuluyan, alam mo na, medyo gipit din sa budget yun pinsan ko.


Naku! parang mahirap ‘yata humanap ng trabaho ngayon dito, saka isa pa walang bakante ngayon eh! Okupado lahat ng rooms.


Kahit dun sa stockroom, pwede na siguro ‘yun, di naman maarte pinsan ko eh!


Ah, eh… di ko ‘yun pinapatuluyan, minsan kasi dun kami tumatambay saka nag-iinuman, pasensiya ka na ha, hanapan mo na lang, marami naman diyan eh. O, eto, bigyan kita ng contacts. O sige na, pare, baka mahuli ako sa flight ko, pauwi pala ko ng pinas ngayon.


Uuwi ka pala, ilang araw ka dun?


Sandali lang ako, baka bukas balik na’ko, aayusin ko lang yung mga investments ko.

Aahhh! Gipit ka pa niyan ah!


************


Hi, kamusta byahe natin?


Okay naman, muntik lang ako ma-late, ‘yung immigration kasi para akong ginigipit, ang daming tanong. ‘asan na pala ‘yung binebenta mo, patingin naman ng quotation.


Ah, eto, maganda ‘yan. Pinaka-best price na ’yung offer ko sayo, okay na rin lahat ng papeles, naiayos ko na sa may-ari.


Last price na ba ‘yan?


Good deal na ‘yan, ikaw naman ginigipit mo pa ‘ko, konti lang naman porsyento ko diyan.

Baka naman may mga nakatira na diyan?


Wala ‘yan, safe na diyan, wala ring pirata, walang manggigipit sa’yo, saka malinis pa tubig diyan, magandang isla ‘yan, puro puti buhangin, sulit ang investment mo diyan.


O sige, may dollar account naman ako eh, i-transfer ko na lang ‘yung payment thru solar energy. Isa pa pala, tulungan mo rin akong kumuha ng stocks para dagdag sa investments ko.


Sige, walang problema, ako bahala sa’yo. San ‘ba gusto mo?


Gusto ko mag-invest sa food industry. ‘yung sa ana’s trading, pom-poms, chocnut saka boy bawang. I-canvas mo na rin ako para sa surprise family vacation namin. Gusto ko sa mars tapos may stop over sa jupiter, ‘yung round trip ticket ha, baka bilhan mo ko ng one-way.


Sure, no problem, pero kung gipit ka at gusto mo makatipid, mag-cruise vacation na lang kayo para malibot nyo buong solar system, may stop-over na rin ‘yan sa space warp paka madalaw mo si shaider.


Basta, ikaw na umayos lahat niyan, kailangan ko nang umalis.


**************


O, andiyan ka na pala, kanina ka pa nila hinihintay.


Sino ba nandiyan? Naku! Mangungutang na naman ‘yan. Sabihin mo umalis na’ko.


Anong umalis, di ka pa nga nakikitang dumating. Alam mo namang gipit ‘yang mga ‘yan eh, abutan mo na lang kahit magkano.


Paalis na rin naman talaga ‘ko, sige na, babalik na lang ako next week.


O, kala ko ba magtatagal ka, ang bilis mo naman?


Naiihi kasi ‘ko eh!


***************************************************


CHAPTER 14: ANG ALAMAT NG KA


High five!


Kasabay ng ating pag-asenso ay ang pagdami ng ating mga ka.


Ka-partner sa negosyo, Kamag-anak, kapitbahay, kakilala, ka-klase, kasalubong, kasabay sa pagtawid at siyempre ang pagdami ng kaibigan.


Nahilig ako sa paglalaro ng bola, ito na raw ang libangan ng mga taong walang magawa tuwing weekends.


Marami akong nakilalang mga kaibigan, sabay-sabay kaming naglalaro ng mga bola, kanya-kanya ng dala para walang agawan, panay ang dribble kahit di maka-shoot.


Paborito ko ang larong gumagamit ng bolang kulay puti, berde, itim, orange, batik-batik, de-kolor at yung medyo nangangasul ang kulay.


Ang dating simpleng libangan ay nauwi sa inuman, bonding raw ang tawag dito.


Nawili kami sa kakainom at nauwi na sa lasingan hanggang umaga.


Dati palagi akong may three stars kasi perfect attendance, ngayon ay palaging late at absent nang dahil sa katas ng alak.


Ang sakit ng mata ko, naduduling ako

Ang sakit ng paa ko, na-sprain yata kakaunat tuwing madaling araw

Ang sakit ng likod ko, kakatuwad ng walang dahilan

Ang sakit ng ipin ko, kakalamon ng pulutan sa hangin

Ang sakit ng puwitan ko, may naiwan yata

Ang sakit ng ulo ko, ito ang walang kamatayang dahilan


Lahat na yata ng palusot ay nagawa ko na tuwing magdra-drama ako ng kung ano-anong klase ng sakit sa katawan, kulang na lang ay idahilan ko na sumasakit ang aking hinlalaki, bagay na hindi ko pa nasusubukan.


Kung dati-rati ay hanggang painom-inom lang, ngayon ay natuto na rin akong dumutdot ng yosi.


Nawili ako’t di ko na mapigilan na hindi makasampung kaha sa isang araw.


Nagsimula sa kindatan, pagkakaibigan at nauwi sa barkadahan. Ito raw ang barkadang tunay, sama-sama sa pera at ginhawa. Di ka puwedeng sumama kung poorest gump ka.


Ang dating libangan namin sa bahay na tong-its, pusoy, lucky 9, 123 pass, unggoy-unggoyan at mataya-taya ay nauwi sa video poker, slots, baccarat, roulette, keno, craps, blackjack at tapon bente-singko.


Ang lingguhang pagdadasal sa simbahan ay nauwi sa lingguhang pagdadasal sa casino. Sana manalo kami para may pang-bisyo, ito lang ang laman ng utak ng lahat.


Ang daming sinayang na pera, laging talunan pero sige pa rin at napapalitan naman daw ng kaunting kasiyahan.


Alak, yosi at sugal.

Ang dami nang nangyari sa pagkakaibigan at barkadahan, saan kaya kami mauuwi?

Ako? Paano na’ko? Paano sila?

Bahala na daw, ang importante masaya ako sa piling ng mga ka!


Ang dating walang pera ay puro kaperahan na ngayon

Ang dating nag-iisa ay may nagkalat na mga kaibigan

Ang dating malungkot ay puro kasiyahan na ngayon

Ito nga ba ang gusto ko? Paano na ang mga peksman?


Asan ka?


*****************************************************

CHAPTER 15: ANG ALAMAT NG KANTATERO


Hindi alam ng lahat na meron akong pinakatatagong isang malupit na sikreto na ako lang ang nakakaalam at ang aking konsensya.


Lingid sa kaalaman ng lahat na isa akong kantatero.


Nahihiya lang akong mag-perform sa harap ng maraming tao kaya inililihim ko na lang pero pagdating dito sa ibang bansa ay inilabas ko na ang aking talento bilang isang kantatero ng mga musikolero.


Kumpleto ang banda, merong tambolero, gitatero, pindotero, kalogero at siyempre ako ang kantatero.


Kinuha ako sa banda ng minsang mahuli ako sa spy camera na kumakanta habang tumatawid sa kalsada sa saliw ng awiting hindi kita malilimutan pop version.


Dagdag na naman ang mga kabanda sa koleksyon ng mga naglipanang mga kaibigan at koneksyon.


Rakrakan ang tugtugan, kanta rito, kanta doon, kahit saang sulok ay makikita mong bumabanat na sinasamahan pa ng mga nakakaganang mga gamot na iniinom kahit walang resibo.


Kantahan, yugyugan at banatan sa kahit anong paraan at posisyon.


Sikat ka kapag ikaw ang kantatero sa grupo dahil siguradong hahabulin ka ng mga nagkalat na may iba’t-ibang hugis ng mga paa, malalasahan mo ang iba’t-ibang flavor kahit tag-ulan.


Sa umpisa ay saya ang dulot ng mga hitang nakapaligid ngunit sa banding huli ay dadalhin ka na rin sa agos ng kinagisnang mga bahagi ng buhay.


Wala ka na raw lusot dahil ito ang kalakaran ng mga taong kantatero.


Hindi naman ako gipit sa de-kulay na papel kaya hindi ko na kailangang mag-sideline para kumita, libangan lang daw ang hanap na nauwi sa kahibangan.


Mahihibang ka at makakalimot dala ng sarap ng pakiramdam sa bawat pagdila ng mainit na ice cream.


Sa mga oras na ito ay wala ng papasok sa isipan mo kundi ang kaligayahang iyong tinatamasa bilang isang kantatero ng banda.


Ang minsang pagkanta ay palagiang mauulit, hindi pa natatapos ang isang kanta ay meron na agad nakaabang para sa iyong awitin.


Marami-rami na rin akong kinantahan, iba’t-ibang klase ng pagkanta depende sa kung anong special request at kung gaano katagal ang kantahan.


Kung dati-rati ay walang kakulay-kulay ang iyong buhay, ngayon naman ay para kang sahig na binurdahan ng pintura, tipong nasobrahan dahil sa dami ng pambili.


Ang dating gutom ay busog na ngayon

Ang dating uhaw ay sagana sa ngayon


Para kang pato makatapos ang ilang minuto

Bakit hindi natin magawang labanan ang mga nagkalat na mansanas sa puno ng peras?

Bakit hindi na ikaw ang lumuluhod sa ngayon?

Kelan ka titigil sa iisang lungga?

Kelan mo ipasasara ang mga factory?

Ito ba ang nagagawa ng pera?

Handa ka na bang ipagpalit ang piso para sa pasong ipupukpok sa ulo mong tuyot?

Kakanta ka pa ba?


Thursday, October 27, 2011

ANG ALAMAT NG PASSPORT: ME OR MONEY? Chapters 6 to 10


CHAPTER 6: ANG ALAMAT NG LAPIS AT PAPEL

Kung palakihan lang ay tiyak na lalampasuhin ng Pinas ang bansang napuntahan ko. Dito ay may land area na 710.2 km2 na halos kasing laki lang ng Metro Manila na mayroong 638.55 km2. Metro Manila pa lang ‘yan.


Maaaring mas malaki ng kaunti ang lupa dito kaysa Metro Manila pero pagdating sa dami ng kumpanya ay higit namang mas marami sa buong Metro Manila na uso ang kanya-kanyang raket.


Andiyan ang pautang at walang kamatayang patubo ni aling pasing, ang tindang marsh mallows ni ma’am na may kasama pang plus ten at ang mamahaling ticket ng mga enforcer sa kalye.


Pati bahagi ng katawan ng tao ay binebenta tulad ng atay, bato, mata, kuko, kulot na buhok, isama mo na pati kaluluwa na nabibili sa parke.


Pero walang tatalo sa mga nakamamatay na pirma nila barangay kupitan, tongsehal, vices-mayor, alkal de kupit, tonggressman, governor jueteng, sinator, vices-persistent, presindent, at ang mga kabit secretary na taga-ingat bulsa.


Sabi nga nila kung gusto mo raw ng instant business ay pumasok ka sa bisyong-publiko. Laway lang ang puhunan, panalo ka na.


Siyempre kailangan mo ring magturok ng konting pampamanhid para di mo maramdaman ang lahat ng ginagawa mo. Bumili ka na rin ng shades o tapaoo ng kabayo, huwag mong tatanggalin para maging bulag ka na sa katotohanan.


The gross domestic product (GDP) or gross domestic income (GDI) is a measure of a country's overall economic output. It is the market value of all final goods and services made within the borders of a country in a year. It is often positively correlated with the standard of living, alternative measures to GDP for that purpose.


Taong 2009, ang GDP ng Pinas ay 161,196 billion fans. Aba, malaki ito ha, bilyones!


Ang bansang napuntahan ko naman ay merong 182,231 billion fans. Nyek! Mas malaki ang Pinas pero bakit mas maraming fans dito.


Dito sa ibang bansa hindi ka basta-basta makakapasok sa trabaho, may mga process pero mabilis pa rin naman, hindi uso ang walang katapusang hearing-hearing o temporary restraining order. Desisyon agad.


Kapag natanggap ka sa trabaho ay puwede ka nang ngumiti pero bawal ka pang magpakalasing para mag-celebrate. Step one pa lang kasi yun.


Meron ditong tinatawag na MOM, as in Ministry of Manpower. Huwag kang mag-alala hindi sila mga pastor.


MOM is a ministry that directs the formulation and implementation of policies related to manpower.


A Great Workforce/A Great Workplace are presented as a pairing, because MOM sees the workplace as the container for human capital. Human capital realizes its potential and creates value not in a vacuum but most often in organizational settings.


The setting plays a critical part in determining whether individual talent is developed or remains latent and untapped.


MOM claims its vision embodies the aspirations of lifelong learning and the need to adapt, learn and re-learn skills, attitudes and competencies for lifelong competitiveness and employability, in order to cope effectively with the demands of the changing economic environment.


Kung hindi mo ito naintindihan ay manigas ka na lang habang nakahiga.


Kapag natanggap ka ng kumpanya ay i-aaply ka nila ng work pass depende sa kwalipikasyon mo bilang isang torero.


Non-residents must hold a valid work pass before they can work. Employers who hire foreigners without valid work passes can be prosecuted under the Employment of Foreign Manpower Act.


Kung sa Pinas ay maraming pasas at puro paasa, dito naman ay maraming klase ng passes. Ang work pass ay depende sa iyong personal na kwalipikasyon tulad ng eskuwelahan na iyong pinag-aralan, ang related-experience mo sa trabahong ina-aplayan mo at kung ilang taon ka nang nagtratrabaho sa ganitong posisyon.


Halimbawa holdaper ka sa Pinas. Ang tanong ay kung saang kanto ka ba nag-aral mang-holdap? Holdaper ka ba talaga? At kung ilang taon ka nang holdaper?


Kung g.r.o. ka naman, ang tanong ay kung saang beerhouse ka ba galing, g.r.o. ka ba talaga at kung ilan na ba ang tumira sa bahay nyo?


Ibig sabihin, kapag maganda ang pintura ng school building niyo, sigurado pasok ka sa banga pero kung ultimo nakalawit na mga bakal ay hindi maayos-ayos malamang bagsak ka.


Kung mag-aapply kang programmer dapat ay may mahabang experience ka na ring maging programmer. Kahit yung taga-ayos lang ng program para sa gay contest tuwing piyesta sa inyo puwede na siguro yun, bilangin mo na lang kung ilang taon.


Kapag na-deny ka ng MOM ay hindi ka na puwedeng tanggapin ng kumpanyang inaplayan mo kahit gusto ka pang dilaan ng baklang interviewer.


Bagsak ka sa step two kaya kailangan mong maghanap ng panibagong aaplayan.


Kontrolado ng gobyerno ang mga kumpanya dito pagdating sa manpower, hindi nila papayagang basta magdagdag kung hindi kakayanin ng kumpanya.


Wala nga namang babagsak o malulugi dahil sa napakaraming empleyadong hindi naman kayang pasahurin ng tama.


May limit din kung ilan ang dapat na foreigners sa bawat kumpanya depende sa laki ng income para mabalanse ng tama ang bawat posisiyon na kung titignan mo sa iba ay ibang-iba na napakaraming bossing na puro lang naman nakanganga at halos manuno na sa kaka-utos.


Kung ating susuriin, pati sa pagpapatakbo ng negosyo sila ay napakadisiplinado, metikuloso at matuwid, bagay na may hatid na magandang mga resulta para sa ekonomiya ng isang bansa.


Kung tutuusin, sa atin ay marami naman talagang plano para maayos ang ating gobyerno at ekonomiya, maraming mga lapis na handang magsulat, ang problema lamang ay wala silang masulatang malilinis na mga papel dala ng mga bakat ng pamburang ginamit ng mga taong burara.


Palibhasa hindi gumamit ng isang tuwid na ruler para hindi bumaliko ang utak at dungisan ang mga papel.


Bawat isa sa atin ay maituturing na mga lapis na may kanya-kanyang papel sa buhay, minsan kailangan lang nating gumamit ng isang matuwid na ruler para maideretso ang bawat guhit ng ating kapalaran.


Lahat tayo ay lapis na naghahangad ng isang malinis na papel sa buhay para sa ikauunlad ng ating bansa, aanhin nga naman ang lapis kung wala namang malinis na papel?


We have the manpower, but we don't have the correct ministry, when can we learn?

***************************************************

CHAPTER 7: ANG ALAMAT NI BATMAN

7:00am. Oras na para gumising!


Saka na muna ang sagala sa kalye, wala sa tenga ko yan!


Apply online sa umaga, walk-in naman sa hapon, tapos saka gala sa gabi, hehe…


Likas na malakas ang lamang-loob ng mga pinoy, kaya nga idol natin si batman the great dahil siya na lang palagi ang bahala tuwing may problema tayo sa ating mga bahay at piso.


Kahit may maayos na delihensya sa pinas ay magre-resign para mag-apply sa ibang bansa ng walang kasiguruhan sa kahihinantan.


Bahala na si batman!


Yung iba nga kahit walang kakilala sa pupuntahan ay sige pa rin at magbabaka-sakali na may makikilalang mga bagong kaibigan, ano ‘to playground?


Bahala na si batman!


Mas okay na siguro ‘yun kesa naman sa mga nagpapanggap na super friends agad para makapunta sa ibang isla kahit nakasalubong mo lang naman sa kanto.


Bahala na si batman!


Meron namang iba na kahit alam na kulang sa bala ay sugod pa rin sa paglangoy at maghihintay na lamang sa mga gawad aruga–palit saya incorporated.


Bahala na si batman!


Kailangang magsipag! Di na puwede rito ‘yung tulo-laway kung ayaw mong pulutin sa gilid ng mga hawker.


Kung ‘yung iba ay nakakapag-send ng 30 online applications kada isang araw, gagawin kong triple sa akin. Tutal, wala namang bayad ang apply, send lang ng send hanggang sa makalimutan mo kung ano-ano na nga ba ang mga ina-aplayan mo.


Lagpas na ‘ko isang buwan, wala pa rin akong trabaho pero di ako titigil, magsisikap pa rin ako kahit paubos na pera ko. Bahala na si batman!


Sinubukan ko na ring mag-walk-in at bumili ng abante araw-araw para sa mga job openings. Maraming interviews pero maraming beses din akong nabigo.


Susuko na ba ako? Hindi ako puwedeng umuwi, maraming umaasa sa mga peksman ko sa buhay. Hindi ako titigil hanggang sa makakuha ng trabaho.


Bahala na si batman!


Malapit na ang three months, huling hirit ko na ito. Wala na dapat pang palagpasin, bawal nang ngumiti at bawal mangulangot, dapat seryoso na palagi, asan na si batman?


Konti na lang pera ko, tiis-tiis muna! ngayon ko lang naunawaan na masarap pala ang maglakad sa initan lalo na kung wala ka ng pera.


Masarap pala ang mga libreng tikim sa mall lalo na kung kumakalam ang sikmura mo.

At higit sa lahat, ngayon ko lang nalaman na hindi naman pala ako nag-iisa.


Hindi ako masamang tae pero ngayon lang ako natutong magdasal ng taimtim at seryoso (ows?).

Araw-araw ay dumadaan ako sa simbahan para magdasal at humingi ng tulong (weh?)


Ganito naman kasi tayo, naaalala lang natin siya kapag may problema tayo.

Nakalimutan ko na nga si batman sa buhay ko. Di pala siya effective.

Lord please help! Ayoko na kay batman!


Nadadaan naman daw sa tiyaga, dasal at tiwala sa sarili na malalampasan din ang lahat ng pagsubok. Sa wakas nakakuha na rin ako ng trabaho! Wooohooo…


Ito na ang pinakamasayang araw ko sa banyo, hindi ko ‘to makakalimutan, teks agad sa pinas para ipaalam ang magandang balita, pagkatapos ay deretso agad ako sa mga kaibigan ko para ipaalam na meron na akong trabaho, celebrate agad kami, inuman na ‘to!


Sabi sa’yo eh! makakakuha ka rin ng trabaho, ang galing talaga ni batman!


Ang bilis kong makalimot…

“Sometimes, people do not really pray as is, they only beg for their own sake” –ompong dilat-


****************************************************

CHAPTER 8: ANG ALAMAT NG TUTULI


Hi, who are you?


Me? I’m bryan


Ah, blayan la!


No, bra…yan..


Oh... you stupid ah!


Walawe!


**


It’s my first day today!


Oh, really la! Did you login oledi?


Not yet!


Okay, this one ah! Automatic ah! Everyday ah, just pick one hair ah, drop ah! Oki la?


Wow! Ang galing pala dito, di na uso bundy clock, wala ring panama ang finger print scan, pati eye scan ng mga kano panis dito. High-tech talaga!


Kada time-in at time out, kailangan mo lang bumunot ng isang pirasong buhok para ilaglag sa scanning machine, mahirap nga namang mandaya, high-tech na!


Hmm... owww… ahh… teka, teka! Mukha yatang lugi ako dito.

Punta muna ko c.r.


Where is the c.r.?


What do you mean la?


I mean the comfort room?


Ha?


Haa.. hmm.. ano pa ba ibang tawag dun... i mean the wash room.


Ha?


Hmm.. teka. nilawit ko nga. like that oh, like that!


Ah, okila, big big la! toilet there meh!


Dali dali akong lumabas para pumunta sa banyo. Binilang ko, naku! 500 na lang,

Ilang years ba contract ko dito? Malamang sa isang buong taon, mabubunutan ako ng 480 na buhok, wala nang matitira sakin. Tsk! tsk!


Ay may bente pa pala ko, meron pa rin akong naka-reserve, buti hindi ako nakapag-ahit, sige oki la! walawe!


**


Umagang umaga, nasira agad ang internet connection, kailangang pumunta sa server room. Sabak agad sa trabaho.


Kalikot dito, kalikot dun, dapat maayos ko ‘to para mapahanga ko agad boss ko.


You fix the internet? Ken?


No, I’m not ken, im bryan!


Blayan la! Fix la, ken?


I’m bryan!


Ken you fix the internet?


Walawe!


Wa Lapen?


Hmmm... we are having some problems with the internet connection, maybe we have to reset the router.


Can or cannot?


Can, why cannot!


Do you have a phone?


Yes!


Maybe we make a ko


Ha?


Can we make a ko?


No, i can’t make you!


**


Lunch time na!


Give me chicken rice, one lah! And one extra rice


Rice ah? Extra ah! How many?


All in all, give me two rice ah! Then one root beer for my drinks. That would be fine la!


Maya-maya binigyan ako ng isang rice plus apat na extra rice...


Wow, dami ah!


Ang root beer ko ay naging red horse beer! Hanep tanghaling tapat eh!


Walawe!


**


Balik sa trabaho, konting oras na lang uwian na, sabi nila mabilis daw talaga ang takbo ng oras dito. Kinausap ako nung kasama ko sa opisina.


Hey, what time are you going beck?


Ah… eh… Tomorrow I will go back early morning.


What??? You OT ah, work until tomollow? Don’t want to go home meh? aiyooooo....


Ha?


Nalito ako dito, akala ko tinatanong kung kelan ako babalik, syempre bukas babalik ako para pumasok, yun pala tinatanong kung anong oras ako uuwi.


Walawe!


**


Pagupit muna ko buhok kahit konti na lang, mas maganda pa rin kasi kapag ahit pogi ka.


Paktay, paano ko kaya sasabihin kung anong klaseng gupit gusto ko, hindi ko puwedeng sabihing barbers cut dahil mukhang hindi kami magkakaintindihan


Mas maganda pa siguro kung i-describe ko na lang ang gusto ko mangyari. Sana andito si Bik at Jowi para may taga-sabi ng oo, hindi at puwede.


Like that oh, like that! no meh! haizz... mukhang hindi ako maintindihan.


Kailangang umisip ng paraan, dinukot ko yung wallet ko para maghanap ng picture ko na ahit pogi, mukhang magandang ideya ito, buti na lang naisip ko.


Hmm... hmm... wala ako makita, kung may internet lang sana para naipakita ko yung picture ko

sa paste book.


Wala talaga, sige, ito na nga lang, may naitatabi pa naman akong picture na stolen shot.


Ohhh... this one meh? so many ah! cannot go beck meh!


Kayo na bahala mag-isip kung ano nangyari.


Walawe!


**


Haizz… tinatamad ako, kakaantok pa kasi! Mukhang hindi ako makakapasok, absent muna ko siguro, kunwari na lang may sakit ako.


Pero ibang klase dito kung gusto mong umabsent na may sakit, kailangan mong pumunta sa doktor para magpa check-up, dapat may katibayan ka na may sakit ka talaga kahit nagsasakit-sakitan ka lang.


At dahil ang sakit ng ulo ang pinakamahirap na ma-detect ng mga ghostbusters, ito ang dinahilan ko para makalusot ako sa doctor.


Need to have a check up doctor, I'm having a bad head ache


Are you Filipino?


Yes, doctor


You Filipinos are troublesome! anywhere you go you cause trouble, you are always a headache!


Ha?


Okey, open your mouth... That's it!


Masakit ulo ko pero bakit ako pinanganga? Sana isa ka na lang dvd.


Why meh?


Para may sub-title ka sa mukha.


Aiyoooo... yah lah!


**


Para sa iyong kaibigan, kapatid, kamag-anak, syota, syoto o asawa, naranasan mo na bang may makagalit o makatampuhan sa kanila? Huwag kang mag-alala, hindi kayo ngongo o bingi o dahil sa kulang sa pag-uusap, minsan kailangan lang nating samahan ng aksyon para linisin at tanggalin ang mga tutuleng nakabara sa ating pag-iisip at lubos na maunawaan ang mga bagay na mas mahalaga kaysa iba. Lahat tayo ay nakakaintindi pero hindi lahat ay lubos na nakakaunawa –ompong dilat-

***************************************************

CHAPTER 9: ANG ALAMAT NG BIG-TIME PAYASO

Inbox…

Ei, san ka na? di ka man lang nagpa-despedida, umalis ka na pala!


Big-time ka na siguro ngayon ah!


Uy! Sa abroad ka na pala nagwo-work, Wow! Astig! Big-time ka na pala!


Oi! Kelan ka pa diyan? Ano, okay ba work mo diyan?


Baka may alam kang work diyan, kunin mo naman ako, balita ko big-time ka na daw diyan eh!


Baka may opening diyan sa inyo, puwede ko ba pasa yung resume ko para pagpunta ko diyan interview na lang.


(tigas ng mukha!!!)


**


Hindi uso kinsenas dito, palaging buwanan ang sahod, isang bagsakan para isang gastusan.


At iyon ang masamang balita, isang buwan ang dapat kong hintayin bago makasahod sa mukha.


Wala na akong pera maliban sa nautang kong benteng haba, apat na linggo pa ang dapat kong hintayin, kailangan tiis-tiis muna, kailangang i-budget ng maayos ang huling mga baraha. Hindi kasi uso ang bale dito kung ayaw mong mabalian ng buto.


Kung sa pinas ay panay ang kain ko, dito ay natuto akong mag-diet kahit di naman kinakailangan. Pag-gising sa umaga, tubig at mentos lang para sa almusal, sapat na resistensiya na ‘to para makarating ka sa opisina.


Pagdating sa tanghali ay oorder ako ng isang ulam at dalawang extra rice para tumagal ako hanggang gabi, huling kain ko na ‘to ng kanin dahil pancit canton naman ang tinitira ko ng patalikod tuwing gabi.


Dito ko nagamit ang pagkahilig ko sa pancit canton. Hindi naman pala nakakasawa lalo na kung kinakailangan.


Walang karapatang mag-reklamo ang bituka mong walang ginawa kundi pumulupot. Nakatiis ako ng isang linggo para sa ganitong sistema ng kunya-kunyariang kain.


Nang ikalawang linggo ay bumili ako ng bigas-bigasan para makapagsaing at makakain ng totoong kanin.


Walang kamatayang itlog naman ang pinagdiskitahan kong ulam, masarap pala ‘to lalo na kapag pinapahid at madaling-araw kinakain.


Sinubukan ko rin ang tinapay at kanin, okay na palaman ang kanin lalo na kung masabaw-sabaw na parang peanut butter na kulay white.


Kailangang madaling araw ang kain para tulog na lahat ng kasama ko. Ayoko kasing ipakita sa kanila ang special recipe ko, mahirap na baka magka-gayahan.


Kung minsan, ay sa kubeta ako kumakain para walang inggitan sa pagkain.


Natiis ko ‘to ng isang linggo sa sobrang pagtitipid, minsan nga pakiramdam ko ay piniritong itlog ang lumalabas sa pisngi ko tuwing tinatawag ako ng kalikasan.


Dalawang linggo na lang ay may sahod na ‘ko sa mukha, pero wala na ‘kong kapera-pera, biniro ko ang kasamahan ko sa bahay na ipag-plaplantsa ko sila kapalit ng pisong bilog.


Buti na lang at kumagat at nagkaroon ako ng delihensya, sapat na ‘to para sa isa pang linggo. Pinagpla-plantsa ko sila habang sila ay nasa galaan at nagpapakasarap sa kalye.


Habang nagpla-plantsa ay di ko mapigilang tumulo ang sipon ko sa mga mata, hindi ko alam kung bakit ko ‘to ginagawa.


Isang linggo na lang, konting diskarte na lang, kailangang tipirin ang lahat ng hawak kong mga bilog.


Wala ng kain-kain sa umaga. Sa tanghali naman ay hindi nako sumasabay sa mga ka-opisina ko, kunwari na lang ay meron akong kaibigang pinoy na naghihintay para sabay kami kumain.


Okay na ‘kong ngumangatngat ng sky flakes sa kubeta. Stay ako dito ng 30 minutes para hindi gaano halata.


Kapag sa hapon ay ginagamitan ko na lang ng water therapy para tanggal gutom sa isip tuwing kumakalam ang sikmura ko,


Nasubukan kong bumalik minsan sa pagluluto ng pancit canton, hindi ko rin itinatapon ang pinag-initang tubig dahil ginagamit ko ‘tong pampalasa sa kanin dahil wala na ‘kong pambili ng puting itlog, itim kasi yung akin.


Naranasan ko na ring mag-ulam sa hangin. Tineteks ko lang ang pamilya ko sa Pinas kung anong ulam nila ng mga oras na ‘yun at sinasabayan ko ng kain sa isip, medyo masakit nga lang sa tiyan pero puwede na rin.


Hindi nila puwedeng malaman na nahihirapan na ‘ko dito.


Hindi nila puwedeng malaman na minsan akong nahilo’t tumumba dahil sa gutom.


Hindi nila puwedeng malaman na naglalakad lang ako pauwi para makatipid.


Hindi nila puwedeng malaman na sa kubeta ako kumakain.


Hindi nila puwedeng malaman na sa stock room lang ako natutulog.


Kailangan kong maging matibay dahil ako ay big-time, isang big-time payaso.


"Minsan, kapag ika'y aking tinutulak, 'wag ka sanang magtatampo, 'yun ay dahil lamang sa gusto kong ako ay iyong kabigin palapit sa'yo" -ompong dilat-


"Mahirap pa lang maging matatag, dahil walang magtatanong sa'yo kung ikaw ay nahihirapan na" -ompong dilat-


***************************************************

CHAPTER 10: "ANG ALAMAT NG NGITING ASO"


Instant sarap pala kapag sumasahod ka na ng dolyares, pwedeng times payb agad sa kinikita mo sa Pinas.


Para kang tumama sa tanching, malaking bagay nga naman para mabili mo ang mga bagay na gusto mo.


Damit, sapatos, pantalon, panlakad, pang-gewang at kung anu-anung mga pangkula.


Mga pagkaing mayaman na barya-barya lang para sa’kin. Mayaman sa alat, mayaman sa sawsawan, mayaman sa pulutan at mayaman sa alak.


Masarap daw kapag marami kang pera, manamis-namis kahit medyo maalat sa ngiti.


Pasko na bukas kaya ramdam ko ang lamig kahit hindi naman.


Sampung barako ang nakatira sa bahay, umuwi ang apat at nakaturok ang dalawa kaya apat kaming natira na nagtititigan maghapon.


Walang gustong mag-espadahan kaya nauwi na lang sa ambagan para busugin ang bawat isa sa kalinga ng taong ngayon mo lang nakasama, tipong kapwa ko, mahal ko the movie.


Kung buhay lang si ate luds ay nanawagan na sana kami sa eye-to-eye.


Nilabas lahat ng pangat para pagsaluhan, ito ang tawag sa pagkaing pangatlong beses ng ini-init dahil sa walang panahong magluto gawa ng pagod sa trabaho.


Mainam pa naman ang pangat, pang-a at pangli, huwang mo lang paaabutin ng pangsam at baka magreklamo na ang bituka mo.


May bumili ng malambot na inumin, matigas na inumin, keyk, kremang may yelo, hotdog na di nakatusok, lobo, pitchang kinakain, at fried chicken na hubad.


Ang daming handa pero asan ka na?

Ang daming pambili pero asan kayo?

Hello? Hello?


Titigan, kantahan, sayawan, at mga pilit na tawanang ngayon ko lang naranasan, masaya ang araw na ito pero iba pa rin pala ang sayang dulot ng mga taong kakulay mo ng dugo.


Marami kaming bisitang dumating para saluhan kami sa kunya-kunyariang kasiyahan para salubungin ang pasko. Dalawa sila lahat. Ang dami nila, sobra!


Siksikan nga kami sa bahay, halos di kami magkakitaan dahil sa sobrang kapal ng buhok.


Hindi na ‘ko tag-gutom, nabibili ko na ang mga gusto kong kainin, pero kahit ganito ay hindi pa rin ako nakakakain sa tamang oras.


Minsan wala ka ng oras kumain dahil pagod ka, puyat dahil hindi makatulog o dahil sa ayaw mo lang talaga kumain dahil tinatamad kang ngumuya.


Nasa kuwarto ka lang nakahiga, nakatuwid at naghihintay maubos ang oras, ito na ang pinaka-epektib na libangan sa tuwing walang ganang kumain.


Mahirap palang kumain ng masarap ng walang kasalo.

Mahirap palang gumastos ng walang pinagkaka-gastusan.

Mahirap palang ngumiti ng hindi nakalabas ang ipin.


Lumipas ang pasko na kanya-kanya sa pagtulog.

Nakakabingi sa katahimikan ang bagong taon.

Nakakaduling ang ngudnguran ng mga nguso nung balentayns.

Nakakamanhid ang bawat takbo ng oras.


Astig ka raw kapag sa abroad ka nagtratrabaho dahil marami kang pera, magagawa mo ang gusto mo, mabibili mo ang gusto mo, at mapapasyalan mo ang lahat ng gusto mo. Puro gusto mo lang para sa pansariling kasiyahan.


Bawal malungkot at bawal magkasakit dahil walang mag-aalaga sa’yo.

Mararanasan mong kusa ka na lang gagaling na para kang pusa na siyam ang buhay.

Ngayon ko lang naunawaan na hindi lahat ng nakangiti ay masaya, kung nakakain lang sana ang pera.


"Ang pag-ngiti ay bagay na madaling gawin pero mahirap panindigan ang tunay na nilalaman, masarap paniwalaan pero mahirap asahan sa katotohanan at higit sa lahat ito'y nagdadala ng sobrang kaligayahan kahit minsa'y walang katotohanan"